E-SABONG

HINDI na bago sa ating pandinig ang e-sabong, ang online version ng antigong libangan ng mga Pilipino na dinala ng mga Español sa Pilipinas.

Mula nang magkaroon ng pandemya, parang kabuteng nagsulputan ang e-sabong operators.

Kaya mahirap man o mayaman, alam ang tungkol dito. Kahit kasi sa kanilang bahay lamang, puwede silang tumaya.

Kumbaga, ginawang abot-kamay ang proseso nang pagpusta sa mga kursunadang manok.

Maging ang simpleng kapitbahay ay puwedeng magkaroon ng off-track betting stations.

Ayon kay Atong Ang, ang pinakamalaking e-sabong ­operator sa bansa, tinatayang limang milyong Pinoy na ang naglalaro ng e-sabong.

Ibig sabihin, nalakdangan na yata nito ang tradisyunal na sabong na nakasanayan na natin. Kapansin-pansin din na habang tumatagal, lalong dumarami.

Halos dalawang taon na ang pandemya pero mas marami ang pumapasok sa ganitong larangan at tumataya.

Kung hindi ako nagkakamali, mayroon nang pitong e-sabong operators sa bansa, kasama ang 13 registered websites.

Ang datos naman na iyan ay galing mismo sa ating gaming regulator, ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Dahil may mga hindi rehistradong operators naman, maaaring mas marami pa ito kumpara sa bilang ng PAGCOR.

Kung maaalala, nang pu­ma­sok ang krisis, ipinagbabawal na ng Inter-­Agency Task Force (IATF) ang traditional sabong. Naging dahilan nga ito kaya nauuso na ang e-sabong.

Bunga ng online sabong at iba pang e-games, aba’y hindi mo na hihintayin pang payagan muli ng IATF ang mga ito dahil abot-kamay na ito ngayon.

Sa susunod, tatalakayin pa natin ang iba pang isyu na may kinalaman dito.

164

Related posts

Leave a Comment