SA kabila ng pagkaubos ng calamity fund ng gobyerno, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na marami pang ibang pondong maaaring mahatak upang ipantustos sa rehabilitation effort sa mga tinamaan ng bagyong Odette.
Sinabi ni Drilon na nakalulungkot ang pahayag ng gobyerno na wala nang pera upang ipantustos sa mga biktima ng kalamidad.
Binigyang-diin ng senador na maaring magsagawa ng cash sweep ang Department of Finance upang masuri ang mga nairelease na pondo subalit hindi pa nagagastos ng mga ahensya.
Maaari ring kunin ang mga pondong naka-park sa bank accounts ng national government agencies at maging ng mga Government Owned and Controlled Corporations.
Iginiit ni Drilon na nagawa na ito ng DOF upang makakalap ng pondo para sa COVID-19 response ng gobyerno.
Ipinaalala pa ng senador na sa mga nakaraang budget hearings, marami sa mga ahensya ng gobyerno ang very poor ang disbursement o utilization rates ng pondong inilaan sa kanila.
Inihalimbawa nito ang Department of Public Works and Highways at maging ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na maaaring magamit sa relief operations.
Tinukoy rin ng senador ang bilyong pisong naka-park sa Procurement Service ng Department of Budget and Management at Philippine International Trading Corporation.
“As they say, if there is a will, there is a way,” diin ni Drilon. (DANG SAMSON-GARCIA)
