SA hangaring tiyakin ang kaligtasan sa nakagawiang pagsalubong ng Bagong Taon, sinorpresa ng Pyrotechnic Regulatory Board (PRB) at ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang kahabaan ng Manila North Road para inspeksyunin ang mga tindahang nagbebenta ng mga paputok at iba pang klase ng firecrackers.
Bukod kina Gov. Fernando at mga kinatawan ng PRB, kabilang din sa mga nagrebisa sa safety aspects ng mga ibinebentang paputok at pailaw para sa bagong taon, sina Engr. Celso C. Cruz na tumatayong Pangulo ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association (PPMDAI) at Bulacan Provincial Police Acting Director, Col. Manuel Lukban Jr.
Giit ng gobernador, higit na kailangang tiyakin ang kaligtasan hindi lamang ng mga dumadayo sa tinaguriang Pyrotechnic Capital of the Philippines, kundi maging ang mga gumagawa, nagpapamahagi at nagbebenta ng mga paputok at makukulay na fireworks na bumibida sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Pagtitiyak ni Fernando, matapos ang isinagawang inspeksyon, wala silang ano mang nakitang paglabag ng Executive Order 28 (Providing for the Regulation and Control of the Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices) sa hanay ng manufacturers, dealers at retailers sa nasabing lokalidad.
Base sa datos ng lalawigan, nasa 82 dealers at 20 manufacturers ng mga paputok at fireworks ang may pahintulot mula sa Bulacan provincial government, bukod pa sa siyam na una nang ginawaran ng Philippine Standard Mark License.
Kabilang sa mga ininspeksyon ni Fernando at iba pa ang Night Light Fireworks, 878 Fireworks at RT Sayo Fireworks na matatagpuan sa Governor F. Halili Avenue, Barangay Turo sa bayan ng Bocaue.
Giit naman ni Engr. Cruz, ang mga paputok na overweight at oversized at lagpas sa 1.3 teaspoon o mahigit sa 0.2 grams ng net explosive ingredients, ay ipinagbabawal na gamitin o ibenta. Kabilang sa mga bawal na paputok ay ang Piccolo, Super Lolo, Whistle Bomb, Goodbye Earth, Judas Belt at Watusi.
Ayon pa sa gobernador, kahit pinapayagan ang paggamit ng ilang firecrackers at fireworks ay patuloy nitong pinapaalalahanan ang mga Bulakenyo na ang pag-oorganisa ng mga kaganapan na maaaring makahikayat ng mga tao, ay hindi pinahihintulutan dahil sa umiiral pa ring pandemya.
Paalala rin ni Fernando ang dobleng pag-iingat sa paggamit ng paputok at kailangan din na ang mga nagbebenta ay sumusunod sa mga alituntunin ng batas.
“Tradisyon natin na ang pamilya ay sama-sama sa pagdiriwang. Ipinapakiusap na lang natin na ‘wag silang gumamit ng mga bawal na paputok para hindi na makadisgrasya. Narito rin tayo ngayon para bantayan ang mga nagtitinda at siguraduhin na walang mga ipinagbabawal na mga paputok rito. Dagdagan po natin ang ating pag-iingat dahil bukod sa aksidenteng maidudulot nito, may COVID pa tayo,” pahabol pa ng gobernador. (ELOISA SILVERIO)
