NAKATAKDANG bumida ulit sa hanay ng mga kabataan at estudyante ang isang pasyalang naging bahagi ng kasaysayan mula taong 1959 – ang Manila Zoo.
Subalit hindi tulad ng dati, mas pinaganda ang bagong Manila Zoo na muling bubuksan sa publiko simula sa Disyembre 30, kasabay ng taunang paggunita ng Rizal Day, ayon mismo kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasabay ng direktibang pagrerebisa ng singil sa pasilidad na tahanan ng mahigit 1,000 hayop mula sa tinatayang 90 animal species.
Sa isang kalatas, inatasan ni Moreno ang Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna na siyang presiding officer ng konseho, na bumalangkas ng isang bagong ordinansang nagtatakda ng bagong entrance fee sa newly renovated Manila Zoo.
Ayon kay Parks and Recreation Bureau Director Pio Morabe, kasalukuyang umiiral ang P50 entrance fee para sa mga Manilenyo at P100 naman para sa mga dayo mula sa ibang lokalidad.
Kaugnay nito, nanawagan ang pambatong kandidato ng Aksyon Demokratiko sa 2022 presidential derby, sa mga may mabubuting kalooban o grupo ng mga indibidwal na mag-donate o magpahiram ng kanilang mga alagang hayop bilang pagdagdag atraksyon sa Manila Zoo.
Bukod sa mga karaniwang hayop sa nasabing pasyalan, nakatakda ring idagdag sa atraksyon ang mga flamingo na isang uri ng wading birds na may mahaba at payat na mga binti at leeg at may matigas at pababang tuka.
Inaasikaso na ni Moreno ang pagkakaroon ng panibagong elepante sa zoo para makasama ng 50-anyos na si Mali. Papangalanan namang “Posam” (halaw sa salitang kalyeng nangangahulugang sampu) ang dagdag elepante.
Sa “soft opening” ng mas pinagandang Manila Zoo sa Disyembre 30, may 1,300 construction workers at kanilang mga pamilya ang buena-manong panauhin ng lungsod. (RENE CRISOSTOMO)
