DOH IWAS PUSOY SA TIGIL COVID-19 DAILY BULLETINS

KINASTIGO ng isang militanteng kongresista ang pasya ng Department Of Health (DOH) na itigil ang paglalabas sa social media ng arawang datos ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa pagpasok ng buwan ng Enero sa susunod na taon.

Giit ni House deputy minority leader Carlos Zarate, isang malinaw na pag-iwas sa posibilidad na muling masisi ang polisiyang inilabas ng DOH na una nang nagsabing hindi na maglalabas ng arawang case bulletin ng mga positibo ang kanilang departamento simula sa unang araw ng Enero.

“Dapat nga ay ngayon mas magpakasipag ang pamahalaan para ipaalam sa mga tao ang paglaban sa Covid para mas maraming magpabakuna at mag-ingat. Hindi yung parang itinatatago pa nila o pinahihirapan ang publiko na malaman ang mga datos at para di sila masisi sa kanilang kapalpakan,” ani Zarate.

Aniya, karapatan ng publiko na malaman ang daily rate infections sa COVID-19 lalo pa’t higit na malaki ang posibilidad ng panibagong case surge sa pagsulpot ng Omicron variant na ayon sa mga eksperto ay higit na nakakahawa kumpara sa Delta variant na kumitil ng hindi bababa sa 400,000 katao sa bansang India nitong nakaraang buwan ng Hulyo at Agosto.

Malaking bentahe rin sa kamalayan ng publiko ang anunsyong karaniwang dahilan para mas maging maingat ang mga tao.

“Wag nila antayin na parang maging delta variant na ang level of spread before pa sila umaksyon,” dagdag pa niya.

Hinala pa ni Zarate, ayaw lamang masisi ng pamahalaan lalo pa’t makakaapekto ang panibagong pagtaas ng bilang ng mga positibo sa kandidatura ng mga kaalyado ng administrasyon.

Ipasa kung ‘di kaya

KUNG hindi na kaya ng Department of Health, maaaring saluhin ng ibang ahensya ng gobyerno ang paglalabas ng COVID-19 daily bulletin.

Ito naman ang binigyang-diin ni Senador Richard Gordon.

Aniya, isa sa mga ahensyang maaaring gumawa nito ay ang National Economic Development Authority o iba pang tanggapan na may sobra pang manpower.

Nauunawaan ng senador na posibleng kapos sa tao ang DOH subalit ipinaalala nito na ang bawat disenteng ahensyang pangkalusugan ay ginagawa ang paglalabas ng tamang impormasyon.

Iginiit ng senador na dapat may alam ang publiko sa mga pangyayari at dapat ay nakikinig sila upang malaman nila paano mag-iingat. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

161

Related posts

Leave a Comment