INIUTOS ni Manila Police District Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco sa kanyang mga tauhan na masusing imbestigahan ang nangyaring ambush sa dalawang tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na binaril sa magkahiwalay na lugar ng Binondo at Sampaloc, Manila.
Binubusisi ng mga ekspertong tauhan ng MPD-Homicide Section, sa pangunguna ni P/Lt. Adonis Aguila, mga miyembro ng Binondo Police Station 11, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., at mga tauhan ni P/Lt. Col. Gene Licud, station commander ng Station 4, ang posibleng motibo sa insidente.
Unang tinambangan si Eudes Nerpio, Section Chief ng Section 1-B ng BOC at nakatalaga sa MICP.
Si Nerpio ay tinamaan ng isang bala sa ulo habang lulan ng Toyota Innova na kulay gray habang binabagtas ang Plaza Cervantes patungo sa Quintin Paredes at San Vicente St. sa Binondo bandang alas-7:44 ng gabi noong Enero 8, 2022. Lulan ng motorsiklo ang gunman na nakasuot ng kulay itim na helmet.
Samantala, masuwerte namang hindi napuruhan sa tama na bala ang isa na namang empleyado ng BOC makaraang tambangan noong gabi ng Biyernes sa Sampaloc, Manila.
Kinilala ang biktimang si Ryan Difunturom, 41, binata, empleyado ng BOC Principal Examiner Section 2 sa Port of Manila.
Ayon sa ulat na natanggap ni P/Lt. Col. Ramon Nazario, commander ng Manila Police District-Barbosa Police Station 14, bandang alas-7:55 ng gabi nang tambangan ang biktima sa panulukan ng Mendoza St. at Eloisa St. sa Barangay 466 sa Sampaloc.
Nabatid sa report ng pulisya, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Mendoza St. lulan ng Ford Ranger pick-up na puti (AAW-6377) ngunit pagsapit sa Eloisa St. ay huminto dahil nag-red signal.
Sa puntong ito, isang gunman na armado ng 9MM kalibreng baril, ang sumulpot at binaril ang biktima.
Mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo na nag-counter flow sa Dapitan patungong A.H. Lacson Avenue sa Sampaloc.
Tinamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng leeg ang biktima na nagawa pang makapunta sa kanyang kapatid sa Suntrust Condominium sa Ermita na siyang nagdala sa kanya sa Manila Doctors Hospital. (RENE CRISOSTOMO)
