NANAWAGAN ang isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa agarang pagbibitiw sa pwesto ng mga barangay captain na ayaw magpabakuna kontra COVID-19.
Giit ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, hindi angkop na manatili sa pwesto ang mga kapitan sa mga nasasakupan nito, lalo pa’t una nang naglabas ng direktiba ang kagawaran sa hanay ng mga kapitan para sa pagtukoy ng nasasakupang mga residenteng hindi pa natuturukan ng COVID-19 vaccine.
“Kung talagang hindi pa bakunado, pwede naman kayo mag-resign o kaya mag-leave kayo hangga’t di tapos ang COVID-19. Nakakahiya kayo. Biro ninyo, kayo magpapatupad ng batas tapos kayo pala ‘di bakunado?” ani Diño.
Dagdag pa niya, pwedeng ipaaresto ang mga ‘di pa bakunadong barangay chairman na tumangging magpaturok ng angkop na proteksyon laban sa nakamamatay na karamdaman.
“Kahit kapitan ka, barangay ka, aarestuhin ka. Papaaresto ka kapag halimbawa may ordinansa. Walang exemptions dito, walang exempted,” dagdag pa ni Diño, kasabay ng pakiusap sa mga kapitan na maging huwaran.
Batay sa datos ng National Task Force Against COVID-19, nasa 54,457,863 katao pa lang ang kumpleto na ang bakuna. (LILY REYES)
