BAYANIHAN 3, DDR BILL TINULUGAN SA KAMARA

NANAWAGAN si dating House Speaker Rep. Alan Peter Cayetano sa kanyang kapwa mambabatas sa Mababang Kapulungan na maipasa na ang Bayanihan 3 and Department of Disaster Resilience (DDR) bill bago magsara ang sesyon sa darating na Pebrero 4.

Ani Cayetano, higit na kailangan ngayon ang “political will” sa hanay ng mga senador, kongresista at Palasyo sa hangaring maisalang sa plenaryo ang aniya’y dapat sana’y iprayoridad lalo pa’t mayroon ng lamang dalawang linggo ang nalalabi bago magdeklara ng adjournment na hudyat ng simula ng kampanya.

“Parang basketball din ‘yan, yung last two minutes. Alam naman natin na ‘pag pinush talaga ng Speaker, ng Senate President, at lalo na ng Malacañang, maipapasa ‘yan. Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may dahilan. Kahit ‘yang Bayanihan 3, Department of Disaster Resilience Bill, maipapasa,” pahayag ng dating House Speaker.

Bagamat una nang naipasa ng Kamara ang mga naunang bersyon ng Bayanihan bills, gayundin ang panukalang pagtataguyod ng Department of Disaster Resilience (DDR), nananatili namang nakabindin ang iba pang sing-halagang mga priority measures sa senado.

Nagpatutsada din ang dating lider ng Kamara sa aniya’y din naman dapat tinatalakay sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya. Partikular niyang tinukoy ang panukalang magbibigay daan sa dalawang bisyo — ang e-cigarettes at e-sabong.

“Unfortunately, tulad ngayon, yung bicam, focus nila ngayon ay ilipat yung e-cigarettes o vape sa DTI mula sa FDA. Tapos balita ko, yung e-sabong, gusto pang i-hearing,” hinanakit ni Cayetano.

Paliwanag pa ng kinatawan ng Taguig, nagawang ipasa ng Kamara ang Vape Regulation Bill na naglalayong ilipat ang pangangasiwa ng pagbibigay akreditasyon ng mga vape at vape juice mula sa Food and Drug Administration (FDA) patungo sa Department of Trade and Industry (DTI) – sa kabila pa ng pagtutol ng Department of Health (DOH).

Gayundin aniya ang e-sabong bill na nakasungkit ng 25-taong prangkisa para sa e-sabong outlet ng Lucky 8 Star Quest Inc at Visayas Cockers Club Inc.

Paniwala ni Cayetano, kakayanin pa naman paspasan ang deliberasyon ng dalawang isinusulong niyang panukala – kung mapagtuunan lamang ng atensyon sa nalalabing panahon bago magsara ang sesyon.

Dapat din aniyang samantalahin ang pagkakataon para malagdaan ng Pangulo ang batas, lalo pa’t wala naman aniyang manok para sa presidential derby ang administrasyon.

“Remember, walang kandidato ang administrasyon. So, hindi big deal sa administrasyon ang mangampanya. So, kung gusto nilang tutukan ang Congress in the next two weeks at sabihin ng Presidente, ‘Ito ang gusto ko, one, two, three, four, five,’ mabilis pa sa alas-kwatro na magagawa ‘yan,” dagdag pa niya. (CESAR BARQUILLA)

148

Related posts

Leave a Comment