25 KATAO ARESTADO SA P1.6-M DROGA SA BULACAN

TINATAYANG P1.6 milyong halaga ng shabu at marijuana ang nakumpiska habang 25 drug suspects ang naaresto sa ikinasang Bulacan PNP’s week-long Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa loob ng nakalipas na apat na araw.

Sa report na tinanggap ni Police Regional Office 3 (PRO3) director P/BGen. Matthew Baccay mula kay Acting Provincial Director Col. Rommel Ochave ng Bulacan PNP, mahigit P1.6 million na illegal drugs ang nakumpiska sa magkakahiwalay na buy-bust operations ng mga operatiba mula sa Stations Drug Enforcement Units (SDEU) ng City of Malolos at San Rafael PNP.

Ito ay nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina Lailani Alivio ng Brgy. Balayong; James Darrel Rivero, ng Brgy. Tabang sa Guiguinto; Justine Neil Camua, at Mardon Deniell Carlos, kapwa ng Brgy. Tikay, City of Malolos, Bulacan.

Narekober sa mga ito ang isang plastic container ng 4 bloke na nakabalot sa 5 zip-lock plastics, at 9 plastic wraps ng dried marijuana fruiting tops na nasa 5 kilo at nagkakahalaga ng P1,254,000, cell phones at buy-bust money.

Nasa isang kilo naman ng dried marijuana fruiting tops na nagkakahalaga ng P200,000 ang nakumpiska sa isang drug-bust sa Brgy. Mojon City of Malolos, Bulacan kung saan arestado sina Ajericho Carmona at Ericka Castro, kapwa ng Brgy. Mojon, City of Malolos, Bulacan.

Sa kasunod na operasyon na ikinasa ng mga operatiba ng San Rafael MPS sa Brgy. Talacsan, San Rafael, Bulacan ay nadakip naman si Abigail Casbadillo ng Brgy. Gaya Gaya City of San Jose Del Monte, Bulacan at nakuha sa pag-iingat nito ang 7 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P183,600.

Ayon pa kay Ochave, sunod-sunod na anti-illegal drugs operations din ang isinagawa ng SDEU operatives ng City/Municipality of Malolos, Meycauayan, San Jose del Monte, Baliwag, San Ildefonso, Sta. Maria, Marilao, San Miguel, at Pandi PNP na nagresulta sa pagkakarekober ng 56 sachets ng shabu at 16 plastic sachets ng pinatuyong marijuana, 2 cal. .38 revolvers at ginamit na buy-bust money.

Nabatid na 18 suspek ang nadakip kabilang ang 4 na menor-de-edad na na may edad na 13-16 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi.

Ayon kay Ochave, inihahanda na ang kaukulang mga kaso na isasampa laban sa mga suspek habang ang nasabing mga kabataan ay ililipat sa kustodiya ng kanilang Municipal Social Welfare and Development Office. (ELOISA SILVERIO)

362

Related posts

Leave a Comment