SA gitna ng patuloy na pagmamatigas ng mga Muslim na magpaturok ng COVID-19 vaccines, pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang kakaibang istratehiya sa hangaring makumbinsi ang mga nag-aatubiling magpabakuna bilang proteksyon sa nakamamatay na karamdaman.
Ayon sa DOH, bumabalangkas sila ng isang paraan – ayuda palit bakuna.
Ang totoo, hindi na bago ang paglalaan ng ayuda bilang pagkumbinsi sa publikong may agam-agam sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna kontra COVID-19. Mayroon din namang ilang local government units ang may pa-meryenda, habang ‘yung iba naman may pa-raffle pa.
Bagama’t may ilang nakumbinsing magpabakuna, hindi naman ganun kalawak ang diperensyang naitala ng kagawaran. Sa madaling salita, wa epek lang.
Ang higit na kailangang tugunan ng departamento ay ang agam-agam sa bisa at kaligtasan ng bakuna, limitadong healthcare workers na mangangasiwa sa aktuwal na pagtuturok, fake news at suporta ng LGUs, mula sa lalawigan, lungsod, munisipalidad at barangay.
Bagama’t mayroon namang information drive ang gobyerno, tila hindi sapat, base na rin sa nakikitang problema sa gawing timog ng kapuluan kung saan mababa ang bilang ng mga bakunado.
Dangan naman kasi, haram (labag sa relihiyon) umano para sa mga kapatid nating Muslim ang pagpapabakuna. Dagdag pa sa suliranin ng gobyerno ang kawalang kooperasyon ng mga opisyal ng mga LGU sa Mindanao kung saan marami sa mga nakapwesto ay pawang Muslim din.
Kung mayroon dapat munang kumbinsihin ang DOH, katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), ay ang mga Muslim na gobernador, kongresista, alkalde hanggang sa mga kapitan del barrio sa Mindanao.
Bakit kamo? Sila ang angkop na ehemplo – hindi ang mga artistang bayad sa talentong pag-eendorso.
162
