WALA KAYONG PUSO

WALA bang puso ang mga employer ng ­ilang kababayan natin sa Hong Kong na sinisibak sa kanilang trabaho kapag nagpopositibo sila sa COVID-19 na mula sa mainland China?

Pero mas sumasama ang loob ko sa mga hospital sa Hong Kong, porke tinanggal sa trabaho ang mga kababayan natin na tinamaan ng virus na galing China, ay ayaw rin silang gamutin.

Para sa kaalaman ng China, kahit sino rito sa Pilipinas kapag meron silang kababayan na nagkakasakit, VIP ang treatment sa kanila ng mga pagamutan sa bansa.

Kung maaari, inuuna ng mga pagamutan sa Pinas ang Chinese nationals na nagkakasakit.

Palagay ko naman, hindi rin nakaligtas ang Chinese nationals sa COVID-19 habang nasa Pilipinas noong kasagsagan ng pandemya pero wala tayong nababalitaan na nailagay sila sa isolation centers.

Malamang may pinag-lagyan sa mga ito na mas maayos na lugar o kaya hindi sila nahirapang maka­kuha ng COVID-19 bed sa mga hospital, hindi tulad ng karamihan sa ating mga kababayan.

Kaya nakakapanlumo ang mga balita na ayaw gamutin ng mga hospital sa Hong Kong ang mga kababayan natin na nagkakasakit ng COVID-19 dahil wala na silang employer.

May employer man o wala, tungkulin ng mga hospital sa Hong Kong na gamutin ang ibang lahi para malunasan ang mga ito at makontrol ang pagkalat ng virus na mula sa kanilang mother land.

Tungkulin ng mga manggagamot sa Hong Kong na magligtas ng buhay dahil ‘yun ang kanilang sinumpaang tungkulin. Hindi kasalanan ng mga kababayan natin na tamaan sila ng COVID-19.

Walang gustong magkaroon ng COVID-19.

Ang mga employer naman na nagpalayas sa ating mga kababayan at ibang lahi na kasambahay nila, dapat nilang tandaan na kung wala ang mga ito, hindi nila magagawa nang maayos ang kanilang trabaho sa labas ng kanilang bahay.

Dahil sa kanilang mga kasambahay, nakakapag-trabaho sila nang maayos dahil may naiiwan sa kanilang mga anak at mga gawaing bahay na hindi nila magagagawa dahil sa kanilang hanapbuhay.

Palagay ba ng mga ito ay makakapasok sila sa kanilang trabaho kapag walang maiiwan sa kanilang anak? Hindi, lalo na kapag ang mga anak nila ay mga bata pa at kailangang may magbantay sa kanila.

Malaki ang utang na loob ng mga employer sa mga kababayan natin kaya dapat ituring nilang tao ang mga ito at hindi porke ­nagkasakit na ay abandonahin na at hayaan matulog sa kalsada ang mga pinalayas nilang kasambahay.

Hindi porke namamasukan lang ang ating kababayan ay slave na ang turing sa kanila. Hindi slave ang OFWs. Tao sila, may damdamin. Wala ba kayong puso?

146

Related posts

Leave a Comment