TIYAK na nakikita rin ng Malacañang ang pakinabang ng gobyerno sa electronic cockfighting o e-sabong.
Malaki ang ibinubuwis ng e-sabong operators sa pamahalaan.
Alam ito maski ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kaya nilinaw nga ng Palasyo na hindi ipahihinto ang operasyon ng e-sabong.
Mananatili raw ito hangga’t wala pang pinal na report ang mga awtoridad sa isinasagawa nitong imbestigasyon ukol sa mahigit 30 nawawalang sabungero.
Sa nilagdaang memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea, binanggit na kailangan na magsagawa pa ng mas malalim na pagsisiyasat ang National Bureau of investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) hinggil sa kaso.
Sinasabing dapat na maisumite nila sa Office of the President (OP) at Department of Justice (DOJ) ang kanilang official report sa loob ng 30 araw.
“Unless otherwise directed, the operations of e-sabong licensees shall remain unaffected, pending the result of the above investigation,” saad sa memorandum.
Kung hindi ako nagkakamali, pinatitiyak din ng Malacañang sa PAGCOR ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa posibleng mga paglabag sa ipinatutupad na e-sabong licensees na nakapaloob sa terms of agreement.
Nais din ng Malacañang na malaman kung naipatutupad sa mga operasyong ito ang security at surveillance requirements.
Nabatid na ito’y nakasaad sa regulatory framework ng e-sabong off cockpit betting stations.
Nakapaloob dito na lahat ng game sites ng bawat operator ay dapat na mayroong CCTV cameras.
Sa totoo lang, maganda ang ginagawa ng Palasyo.
Talagang patas ito sa lahat ng imbestigasyon.
Kumbaga, ipinauubaya nila sa mga kinauukulang ahensya ang pagsisiyasat ukol sa mga nawawalang sabungero.
Well, bakit nga naman maaapektuhan ang lahat kung wala pa namang linaw ang imbestigasyon?
Ang malinaw lang talaga rito ay nakatutulong ang e-sabong sa gobyerno, partikular na ang Pitmaster Foundation ni Chairman Charlie “Atong” Ang.
Bukod sa pamamahagi ng gamot at pagtulong sa mga lokal na pamahalaan sa gitna ng pandemya, milyun-milyon ang ibinubuwis ng e-sabong.
176
