ARESTADO sa baril at ilegal na droga ang isang lalaki makaraang sitahin dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa Valenzuela City.
Bukod sa paglabag sa mask ordinance ng lungsod, nahaharap din sa kasong pagsuway sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang suspek na si Eric Lian y Pineda, 48, obrero, ng Marulas, Valenzuela City.
Dinampot si Lian sa Bureau of Animal Industry (BAI) Compound sa Marulas, Valenzuela City bandang 4:15 pm noong Marso 9.
Lumitaw sa imbestigasyon ni P/Cpl. Glenn De Chavez, nagsasagawa ng Oplan Galugad sina P/Cpl. Reymon Evangelista at P/Cpl. Bernie Badia-on sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Maj. Tessie Lleva, Valenzuela Police SubStation 3 commander, sa nasabing oras at lugar nang masita ang suspek dahil walang suot na face mask.
Nang iisyuhan na ng ordinance violation receipt si Lian ay tumakbo ito ngunit nahabol ng mga pulis.
Nang kapkapan ay nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang sachet na naglalaman ng 0.5 gramo ng shabu na P3,400 ang presyo, isang walang papeles na cal. 22 revolver na wala ring serial number at kargado ng apat na bala at isang holster kaya’t idiniretso siya sa presinto. (ALAIN AJERO)
