UMABOT sa 251 pasaway ang dinampot, kabilang ang siyam na children in conflict with the law, at halos P2 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa pinaigting na kampanya laban sa droga at kriminalidad ng Northern Police District (NPD) mula Marso 14 hanggang 21.
Nangunguna sa mga dinampot sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (CAMANAVA) ang 68 durugista; 96 sugarol; 10 magnanakaw; at 53 wanted sa iba’t ibang kaso.
Kasama ring hinuli ang isang may kasong frustrated murder; isang kinasuhan ng grave threat; isang kinasuhan ng child abuse; isang may kasong acts of lasciviousness; isang nanaksak; isang may kasong reckless imprudence; at isang may kasong physical injury.
Hindi rin pinatawad ang tatlong lumabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions in relation to the Omnibus Election Code, at 14 pang gumawa ng sari-saring paglabag sa batas.
Sa 19 na operasyon kontra ilegal na droga ng NPD ay nakumpiska ang 282.4 gramo ng umano’y shabu na may presyong P1,920,320.
Samantala, dalawang drug personalities ang nadakip ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 sa Caloocan City noong Linggo.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, nasa kalahating kilo ng umano’y shabu na may street value na P3,450,000 ang nasamsam sa dalawang suspek.
Kinilala ni PDEA Central Luzon Director Bryan Babang ang mga nadakip na sina Ernesto Baculi y Española, 32, at Johnson Salvador y Mahinay, 33-anyos.
Nakumpiska sa mga suspek ang limang pirasong knot-tied transparent plastic na naglalaman ng puting crystalline substance na
tumitimbang ng 500 gramo na nagkakahalaga ng P3,450,000; isang unit android mobile phone, at ang marked money na ginamit sa operasyon. (ALAIN AJERO/JESSE KABEL)
332
