ANO kaya ang isasagot ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) matapos paboran ng International Olympic Committee (IOC) ang rekomendasyon ng Philippine Olympic Committee (POC) na mapagkalooban si pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena ng Olympic Solidarity Scholarship (OSS) sa 2024 Paris Olympics.
Nakuha ng 26-anyos na si Obiena ang OSS para sa athletics, sa halip na si Fil-Am sprinter na si Kristina Knott na rekomendado ng PATAFA.
Walo pang atletang Pilipino ang nagawaran ng OSS. Sila ay sina golfer Rianne Malixi, weightlifter Elreen Ando, fencer Samantha Catantan, boxers Aira Villegas at Rogen Ladon, BMX’s Patrick Coo, skateboarder Jericho Francisco at wrestler Allen Arcilla.
Ang OSS ay isang programa ng IOC na naglalayong matulungan ang mga elite athletes base sa rekomendasyon ng kanilang National Olympic Committee (NOC), para sa kanilang paghahanda sa Olimpiyada.
Sa kabuuang siyam na atletang Pinoy na binasbasan ng IOC, si Obiena lamang ang tanging hindi inendorso ng kanyang lokal na pederasyon dala ng sigalot niya sa PATAFA. Ito rin ang dahilan kaya’t hindi nakalahok sa World Athletics ang current world no. 5 at Asian record holder sa pole vault.
Matatandaang nag-ugat ang gusot sa paratang ng PATAFA na dinaya ni Obiena ang liquidation ng mga nagastos niya sa paghahanda para sa nakaraang Tokyo Olympics, kasama na ang umano’y hindi niya pagpapasuweldo sa Ukranian coach na si Vitaly Petrov.
Samantala, si Obiena at walo pang Pinoy na napagkalooban ng OSS ay tatanggap ng US$833 o P45,000 kada buwan hanggang sa XXXIII Games sa Paris, France, na saktong ika-100 taon din ng partisipasyon ng Pilipinas sa Olympics. Bukod sa training facilities, may isang coach sa bawat sports, regular medical and scientific assistance, at accident and illness insurance rin ang ‘lucky 9’.
“The POC wishes to congratulate these nine promising athletes for earning scholarships as they focus on their qualification for the Paris 2024 Olympics. This is the first time that our country had such number of scholars,” pahayag ng POC.
