SINAMPAHAN ng kasong paglabag sa Section 3e ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at qualified theft ang isang mag-asawang kapwa empleyado ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) makaraang madiskubreng nawawala ang perang naipon ng traffic enforcers mula sa multa sa traffic violations, na nakalagak sa opisina ng nasabing ahensya sa Manila City Hall, Arroceros St., Ermita, Manila.
Kinilala ang mag-asawang sina Ronald Costales, 38, traffic enforcer, at Jennilyn Costales, 31, MTPB OVR encoder, kapwa residente ng Brgy. 111, Tondo, Manila.
Nabatid na nakipag-ugnayan si Rodel Delos Santos, 39, hepe ng OVR (Ordinance Violation Receipt) ng MTPB, sa tanggapan ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., chief ng Special Mayor Reactions Team (SMaRT) ng Manila Police District, nang madiskubreng nawawala ang pera sa kaha sa kanilang tanggapan.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:45 ng umaga, inaresto ang mag-asawa ng mga tauhan ng MPD- SMaRT sa pangunguna ni P/Lt. Edgar Julian, sa opisina ng MTPB sa ika-3 palapag ng gusali ng Manila City Hall.
Nabatid na nagsabwatan umano ang mag-asawa para makuha ang nasabing pera na hindi pa nababatid ang halaga. (RENE CRISOSTOMO)
241