KINASTIGO ng dalawang lider ng Senado ang gobyerno sa napipintong pag-eexpire ng 27 milyong doses ng COVID 19 vaccines sa susunod na tatlong buwan.
Binanatan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pag-aaksaya ng pera ng taumbayan.
“More than two years into the pandemic, the IATF still manages to mismanage the government’s response to the pandemic. It is unconscionable that the vaccines that were purchased through loans could end up in the garbage,” saad ni Drilon.
“It is criminal neglect if they let that happen. I’d like to remind the DOH and the IATF that it is Juan dela Cruz who will pay for these vaccines,” dagdag nito.
Ipinaalala ng minority leader na ang pagbili ng mga bakuna ang pangunahing dahilan ng paglobo ng utang ng bansa sa P12 trilyon mula P9 trilyon.
Kung kukuwentahin sa P500 kada dose ng bakuna, aabot sa P13.5 bilyon ang maitatapong pondo sa pag-eexpire ng 27 milyong doses ng bakuna.
“Huwag naman nating ipamana sa susunod na administrasyon ang expired na bakuna,” diin ni Drilon.
Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na dapat madaliin ng gobyerno ang pamamahagi ng mga bakuna kasabay ng pagkadismaya sa kabagalan ng pamahalaan sa vaccination program.
“Oh my God. Wow. I think they should distribute it right away nationwide so that those who would want to have boosters can avail of these para ‘di masayang ang pera ng taumbayan. ‘Di bale sana kung donation ‘yan, eh hindi donation yan e,” saad ni Sotto.
“That’s what we have been saying all along. Ang hirap magsabi ng ano, ayoko kasi ‘yung ‘I told you so’ e. Noong una, nagpapaalam ang mga private corporations and nagpapaalam ang mga LGU na bibili na sila, para sila na lang, e ayaw ng national government e. Gusto nila dumaan sa kanila e, ‘yun daw usapan government-to-government but it does not happen to other countries so look what’s happening now,” dagdag ng Senate President.
Pinuna rin ng senador ang kapalpakan ng DOH na agad na umaksyon sa pangangailangan ng bansa ng bakuna.
“Delayed eh. ‘Di ba sinulatan ng Pfizer si Secretary Duque oh ‘di pinansin e. We’ve been saying this all along,” diin ni Sotto.
Sa kabila naman ng paggiit na mahalaga ang booster shots, iginiit ni Sotto na hindi pa rin maaaring ipatupad ang mandatory vaccination. (DANG SAMSON-GARCIA)
134