114 ELECTION HOTSPOTS TINUKOY NG PNP

pnp

MULING nagpulong kahapon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo 9, 2022 at may 114 lugar ang kinategoryang ‘areas of immediate concerns’.

Ayon kay PNP chief, Police General Dionardo Carlos, nagpatawag siya ng command conference upang magkaroon ng “assessment” sa security situation ng mga rehiyon.

Base ito sa kanilang pinairal na color coding identifications, ang red category ang itinuturing na pinakamataas na alerto pagdating sa seguridad habang green naman ang pinakamababang alerto o inaasahan ang payapang eleksyon.

Nabatid na may 100 munisipalidad at 14 na siyudad sa bansa ang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na isailalim sa red category ngayong May 2022 elections, ayon kay Gen. Carlos.

Paliwanag ni Gen.  Carlos, ang mga lugar na ito may mga naitalang insidente ng karahasan, may matinding tunggalian sa pulitika at may presensiya ng private armed groups na maghahasik ng kaguluhan.

Una nang inatasan ng PNP chief ang unit commanders na tutukan ang mga lugar na nasa red category nang sagayon maging kontrolado ang sitwasyon.

Matatandaan, sinabi ng Commission on Election (Comelec) na nasa 300 ‘areas of immediate concern’ o election hotspots ang kanilang tinitingnan subalit hindi naman nila tinukoy ang mga lugar dahil isasailalim pa umano ito sa validation and verification.

“So meron tayong color coded, meron tayong green, wala tayong magiging problema sa green areas. ‘Yun pong yellow and orange binabantayan po natin but we focus on the red colored areas,” paliwanag pa ni Gen. Carlos. (JESSE KABEL)

306

Related posts

Leave a Comment