PALALAKASIN ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang mga programa para sa ‘out-of-school youth’ (OSY) para mabigyan sila ng pagkakataon na maging mas produktibo at responsableng mamamayan ng kanilang mga komunidad.
Sa inalabas ng datos ng Department of Education (DepEd) ngayong taon, nagkaroon ng halos apat na milyong kabataan ang hindi nakapag-enrol dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Marcos, mahalagang tutukan ang problemang ito na aniya ay nakababahala na sapagkat dumarami ang mga kabataan na hindi nabibigyan ng pagkakataon na makabalik sa kanilang pag-aaral.
Aniya, wala pang pandemic ay problema na ng ating bansa ang mga ‘out-of-school youth’ na mas dumami dahil sa COVID-19.
“Mahalagang tutukan natin ang problemang ito, nakakabahala na dumarami ang mga kabataan na hindi na nakakapag-aral, at dahil nga sa COVID-19 pandemic ay lumobo pa ang bilang ng out of school youth,” ayon kay Marcos.
“Pero wala pang pandemic ay problema na ng bansa ito dahil sa hikahos sila sa buhay,” dagdag pa niya.
Sa kanyang education agenda, sinabi ni BBM na plano niyang dagdagan ang free online courses sa iba’t ibang paaralan para sa mga kabataan, para mabigyan sila ng tsansa na makakuha ng maayos na trabaho.
Aniya, kung makakukuha ng trabaho ay may posibilidad na mabibigyan rin sila ng pagkakataon na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo at maging propesyonal balang araw.
Malaking bagay umano ang kasalukuyang programa ng pamahalaan tulad ng ALS at yung vocational courses sa TESDA dahil dito ay natuturuan ang mga kabataan ng ibat-ibang kurso na magagamit nila sa kanilang trabaho.
“Well, we have Alternative Learning System (ALS) na lubos na nakakatulong sa mga OSY, ‘yung mga gustong makapagtapos ng elementarya at high school, meron ding TESDA na nakatulong talaga para sa kanila,” ani Marcos
Idiniin naman ni Marcos na palakasin yung mga online courses, magkaroon ng iba’t-ibang kurso para sa mga kabataan na magkakaron sila ng hindi lang certificate maging diploma.
“Palakasin natin yung programa ng online courses, yung mga programa na hindi lang certificate ang matatanggap nila pari diploma na din, para dun sa mga nakapagtapos ng online course, depende kung ilang taon nila tinapos,” sabi ni Marcos.
Dagdag pa ng dating senador na magkaroon ng madalas na mga training at seminars para lalo pang maipaabot sa mga kabataan ang kanilang mga karapatan at mga programang nakalaan sa kanila.
“Dahil sa nagluluwag na tayo, magkaroon siguro ng mga seminars para ipaalala sa mga kabataan ang kahalagahan ng edukasyon at ipaalam sa kanila yung mga programa at privileges na meron sila,” sabi ng dating senador.
136