KASONG SMUGGLING KONTRA 2 IMPORTER

DALAWA pang kumpanya ang sinampahan ng Bureau of Customs (BOC) ng kasong smuggling sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng mga kargamentong ipinasok sa Cagayan de Oro at Subic nito lamang naka­lipas na anim na buwan.

Sa kalatas ng BOC, unang kinasuhan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) ang UHE Trading na nagtangkang magpuslit sa bansa ng 900 master cases ng sigarilyo sa Port of Cagayan de Oro nitong Enero 18, 2022.

Bukod sa kasong kriminal, kabilang rin sa asuntong kina­kaharap ng UHE Trading ang paglabag sa Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Customs Memorandum Order No. 20-2006, RA 10963 (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law at mga direktibang ini­labas ng National Tobacco Administration (NTA) noong 2004 at 2005.

Kasong administratibo na­man ang inihain laban sa customs broker na nangasiwa sa proseso ng mga dokumentong kalakip ng bulilyasong kontrabando.
Sa tala ng BOC, aabot sa P32 milyon ang halaga ng mga nasabat na kargamento.

Hindi rin pinalusot ng kawanihan ang Jack Electronic Metal Inc. kaugnay ng P79,000 halaga ng mga kontrabandong ayon sa BOC ay pasok sa kategoryang “toxic” at posibleng magdulot ng pinsala sa kalusugan ng tao o balanse sa kalikasan.

Sa imbestigasyon ng Port of Subic, Setyembre ng nakaraang taon nang dumating ang kontrabandong inangkat mula sa Estados Unidos.

Lumalabas rin sa pagsisiyasat bukod sa walang import permit, iba pa ang idineklara ng naturang kumpanya sa aktuwal na laman ng kargamento.

Patung-patong na asunto kabilang ang paglabag sa RA 10863, RA 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990), DENR Administrative Order 2013-22 at ang Revised Penal Code ang inihain laban sa Jack Electronic Metal Inc.

Nahaharap naman sa kasong administratibo ang customs broker na nag-asikaso ng bulilyasong kargamento.

Mula Enero, may kabuuang 22 kasong kriminal na ang inihain ng BOC sa 65 indibidwal at licensed customs broker sa DOJ at Professional Regulations Commission.
(JOEL AMONGO)

241

Related posts

Leave a Comment