BUKOD sa modernisadong pasilidad, higit na angkop ang pagkakaroon ng mga mahusay, masigasig at tapat na kawani ang Bureau of Customs (BOC), ayon kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Sa pagpapasinaya ng BOC Customs Training Institute (CTI) facility sa ikalawang palapag ng Citadel Building, sa kahabaan ng 21st Street, Port Area, sa lungsod ng Maynila, ibinida rin ni Atty. Noemi Garcia na tumatayong Chancellor ng nasabing pasilidad, ang buting dulot ng pagsasanay ng mga kawani – at maging ang mga susunod na henerasyon ng mga opisyal ng nasabing ahensyang dating kilala lamang sa katiwalian.
Kabilang rin sa dumalo sa nasabing pasinaya sina Vice Chancellor Dr. Elizabeth Pableo, kasama ang mga miyembro ng Interim Training and Development Division.
Sa mensaheng binigkas ni Customs deputy commissioner Donato San Juan, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagtataguyod ng isang angkop na pasilidad kung saan aniya dapat hubugin ang mga kawani at mga nagnanais maging bahagi ng BOC para maging epektibong katuwang ng pamahalaan sa larangan ng kalakalan.
Kabilang naman sa mga pagtutuunan ng CTI ang kaalaman sa buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kalakal, kasanayan sa mga reglamento ng kawanihan, mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at iba pang batas na may kaugnayan sa mga mandatong kalakip ng BOC.
Ani Guerrero, umaasa siyang makakahubog ang CTI ng mga huwarang kawaning magiging katuwang ng ahensiya sa pagsusulong ng mas masiglang kalakalang walang bahid ng katiwalian.
(BOY ANACTA)
