HINIKAYAT ng Department of Agriculture (DA) ang Department of Justice (DOJ) na bilisan ang imbestigasyon kaugnay sa smuggling ng agricultural products.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Agriculture Undersecretary Fermin Adriano, hangad ng DA na bilisan ang kaso laban sa mga di umano’y smugglers at gawing halimbawa ang mga ito sakali’t mapatunayang “guilty.”
“Kami po ay gusto namin na maging mabilis sana yung proseso para mabigyan natin ng example at ma-discourage natin ‘to, kasi talagang malaki ang nawawala sa kaban ng bayan at mas matindi ‘yung impact dun sa ating mga magsasaka,” ayon kay Adriano.
Ang bagay na ito ay matapos na magpahayag ang Kongreso na tututukan nito ang smuggling ng agricultural products sa bansa, kung saan mayroon aniyang high-profile personalities ang sinasabing sangkot sa illegal trade.
Nauna rito, sa Senate hearing, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakatanggap siya ng dossier na may pangalan ng sinasabing apat na umano’y vegetable smugglers.
“Kinakailangan talagang pag-ibayuhin ng DOJ ang pag-prosecute nito at sana bilisan nila. We are trying to lobby, to advocate to the DOJ to make the process much faster,” ayon kay Adriano. (CHRISTIAN DALE)
259