SILIPIN ANG KATOTOHANAN SA TUPAD PROGRAM

NANAWAGAN ang Quezonian sa mga kinauukulan partikular na kay Department of Labor and Employment (DOLE) ­Secretary Silvestre Bello III na imbestigahan ang hinggil sa umano’y paggamit ng ilang malalaking pulitiko sa kanilang pamumulitika sa lalawigan ng Quezon, sa programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced Workers (TUPAD).

Inaakusahan ng mga ­nagrereklamo kay DOLE Sec. Bello, ang pamilya ni Governor Danilo Suarez, na sinasabing lider ng makapangyarihang “Suarez dynasty” sa lalawigan ng Quezon.

Ayon sa mga nag-aakusa, hindi nakikita sa Quezon ang tunay na esensya ng programa dahil napakaraming tao na napapabilang dito ang hindi kabilang sa sinasabing “displaced workers” bunga ng pandemic. Karamihan umano sa mga ito ay kaanak at kaibigan ng mga coordinator at barangay captains ng pamilya Suarez.

At sa halip aniya na isagawa sa mga bayan-bayan ang pay-out sa TUPAD workers, ang mga ito anila ay iniipon sa Quezon Convention Center sa Lucena City at iba pa nilang convention centers at sports complex, at ginagastusan ng pamahalaang panlalawigan, umpisa sa libreng pagkain o pag pick-up sa kanila, pagpapakain mula umaga hanggang hapon at paghahatid pabalik.

At sa loob ng venue, ang libo-libong TUPAD workers ay obligadong makinig sa pagsasalita at pagtatalumpati ng lahat na mga kandidato ng Suarez dynasty bago isagawa ang actual na pay-out.
At sa pinakahuling pay-out na isinagawa ng mga Suarez noong Miyerkoles Santo na dinaluhan ng mahigit 4,000 TUPAD workers, tahasan umanong namulitika ang gobernador.

Makikita sa isang video ­footage na sa pamamagitan ng isang higanteng screen ay ipinakita ng gobernador ang mga detalye habang ipinapaliwanag ang naganap na tangkang pagpatay sa kanyang political ally na si Infanta, Mayor Grace America noong Feb. 27 gayundin ang mahigit ­dalawang toneladang shabu na nahuli sa nasabing bayan makalipas ang isang linggo na ayon sa kanya ay gagamitin ­sanang campaign fund kung sakaling naging pera.

Sa kanyang pagsasalita, hindi direktang ibinintang ng ­gobernador sa kanyang katunggali ang responsibilidad sa dalawang krimen subalit iyon umano ang ipinakikita ng body language nito.
Ayon sa mga nakasaksi, malinaw anilang ginagamit ng pamilya Suarez sa pamumulitika ang TUPAD gayundin ang iba pang mga programa ng pamahalaang nasyunal tulad ng Assistance to Individuals In Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ganito rin umano ang ginagawa ng mga Suarez sa kanilang mga ginawang pagpapatawag sa libo-libong public school ­teachers na kanilang binigyan ng cash incentives ganoon din ang libo-libong kasapi ng iba’t ibang sektor tulad ng Barangay Health ­Workers na ang pondong ipinamimigay ay galing sa kaban ng lalawigan.

Matatandaan na kamakailan ay sinabi ni Labor Sec. Bello na kanyang pinaiimbestigahan ang umano’y paggamit ng ilang mga politiko sa TUPAD program sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nanawagan din siya sa mga benepisyaryo ng programa na maging vigilante laban sa mga opisyales ng gobyerno at mga kawani nila na gumagamit ng programa para sa pamumulitika.

138

Related posts

Leave a Comment