VOTE BUYING KAILAN MAWAWALA?

MARAMI ang nagtatanong kung kailan daw mawawala ang vote buying tuwing panahon ng halalan lalo na sa local position sa mga probinsya. Isang tanong na walang ­kasiguraduhan ang sagot.

Sa national derby, tingin ko walang vote buying dahil kung magbabayad ang mga tatakbo sa pagkapangulo, pangalawang pangulo at mga senador ay bilyones agad ang kanilang gagastusin.

Ipagpalagay mo na P500 ang bawat boto ang bili ng isang national candidate at kailangan niyang bumili ng 40 milyong boto para masiguro ang kanyang panalo, ang kailangan niyang pondo ay P2 billion na.

Hindi pa kasama sa gastos na iyan ang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa at mga political advertisement na siyang nagpa-pamahal sa gastusin ng mga national candidate tuwing eleksyon.

Oo nga pala, bakit masyadong mahal maningil ng political ads ang mga private broadcast media? Akala ko ba gusto nila ng fair election? Bakit daan-daang libong piso ang halaga ng bawat ere ng isang spot sa political ads?

Ang private broadcast companies ang nagpapamahal sa halalan kaya ‘yung sinasabi nila na gusto nila ng fair election, suntok ‘yun sa buwan dahil hindi kaya ng mga probreng kandidato magpa-advertise sa kanila. Talakayin natin ‘yan sa susunod.

Balik tayo sa vote buying. So ang bilihan ng boto ay sa ibaba at hindi sa national level lalo na kung matindi ang labanan at ­kapwa may pera ang mga kandidato na tumatakbo sa mas mababang puwesto.

May kuwento nga na nasagap ko mula sa isang lalawigan sa Norte. paglalabanan ng dalawang mapepera ang mayoralty post na babakantehin ng incumbent ­mayor kaya pataasan sila ng halaga.

‘Yung isa, nag-offer daw ng P10,000 bawat boto para ­masiguro ang kanyang panalo at nang marinig ito ng kanyang kalaban, nag-offer naman daw siya ng P15,000 bawat boto.

Mahigit 16,000 lang ang rehistradong botante sa kanilang bayan at para manalo, kailangan nila ang 8,000 boto at kung totoo ang impormasyon na P10 libo hanggang 15 libo ang bawat boto, gagastos sila ng P80 million hanggang P120 million.

Mantakin mo, gagastusan mo ng P80 million hanggang P120 million ang kandidatura mo sa isang bayan na hindi naman mayaman at limitado ang Internal Revenue Allotment (IRA) at hindi pa dinadayo ng investors?

Hindi ko alam kung pride na lang ba ang dahilan kung ganyang kalalaki ang pondong gagastusin ng isang kandidato para maluklok lang sa puwesto dahil hindi ko alam kung papaano nila mababawi ang gastos na ‘yan.

Magkano lang ba ang suweldo ng isang mayor sa isang ordinaryong bayan? Hindi ­siguro kalahating milyon dahil ang Pangulo lang ang may ganyang kalaking suweldo sa burukrasya.

Kung may mga pulitiko na handang gumastos ng ganyang kalaking halaga para masiguro lang ang kanyang panalo, malabo ngang mabura ang kultura ng pagbebenta ng boto.

270

Related posts

Leave a Comment