MATAPOS ang mala-roller-coaster na dalawang season (45th at 46th), muling nabuhay ang Philippine Basketball Association (PBA) bago ang 47th edition, simula sa susunod na buwan. Katunayan, balik na muli ang three-conference ang pinakamatandang liga propesyunal sa bansa at maging sa Asya.
Kung masusunod ang kalendaryo ng PBA, itinatag noong 1975, ang Philippine Cup ay opisyal na magsisimula sa Hunyo 5. Inaasahang matatapos ito sa Setyembre 2, bago magpapahinga ng dalawang buwan.
Susundan ito ng Commissioners’ Cup, na pansamantalang nakansela dahil sa COVID-19 pandemic. Nakatakda ito sa Oktubre 2,
habang ang Governors’ Cup ay gaganapin sa Pebrero, sa 2023 na. Samantala, ang napagkasunduang East Asia Super League ay isasagawa sa pagitan ng second at third conference.
Magandang balita rin para sa liga na muling nahalal sina PBA Chair Ricky Vargas at Commissioner Willie Marcial noong nakaraang linggo.
“Marami tayong mga aktibidades na bubuhaying muli matapos ang pandemya. Plano rin nating i-revive ang All-Star Game na pansamantalang nawala dahil sa pandemic,” wika ni Marcial.
“Balak natin dalhing muli ang ilang games sa probinsya para hindi lamang yung mga nasa Metro Manila ang makapanood nang live basketball at makita ang kanilang paboritong teams, players,” dagdag niya.
Tanong ng Sala sa Init, Sala sa Lamig: “So, posibleng maglarong muli ang ilang PBA teams sa Dubai?”
Sagot ni Kume: “Tama ka sir. Nasa plano rin natin ‘yan.”
Ikinatutuwa ni Marcial na naging matagumpay pa rin ang 46th season, lalo nang payagan ang fans na makapanood sa Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena.
Aminado siyang malaki ang lugi ng liga sa nakaraang dalawang taon, subalit hindi maikakailang unti-unti nang bumabalik ang sigla ng PBA.
“We’re going back to three conferences,” masayang pahayag naman ni Vargas. “In terms of expenses, to deliver three conferences, we are looking at close to P300 million. But we’re also looking at revenue that’s about P500 million. And if everything pushes through, the profit is about P180 to P200 million. That really takes us back to where we were, and hopefully regain what we lost in Season 45 [when the pandemic started].”
Noong 2020 Philippine Cup bubble sa Pampanga, P65 milyon ang nagastos ng liga. Pero bahagya itong nakabawi sa sumunod na taon.
“Last season, we were able to do two conferences. We netted about P48 million, which is not so bad. It was a positive process and very positive news for us. Our cash flow also improved so that’s good, too,” ani Marcial.
Ayon naman kay PBA Vice Chair Bobby Rosales: “The 47th season calendar will be very tight because the board committed its continued support to the SBP (Samahang Basketbol ng Pilipinas) by providing them with the players coming from the PBA.”
“The first conference will see the SEA (Southeast Asian) Games) and the FIBA (International Basketball Federation) qualifiers. The second will see the EASL… It’s a tight calendar, but the PBA is really finding a way to squeeze in everything,” sabi pa ni Rosales.
286