(CHRISTIAN DALE)
NAPANATILI ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking kalamangan sa presidential race dahil sa kanyang “simpleng” nilalayon na itindig ang pagkakaisa.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Dr. Froilan Calilung, nagtuturo ng political science sa University of Santo Tomas (UST), na mas pinalalim ng halalan ngayon taon ang pagkakahati-hati ng bansa.
“Right now, our countrymen are sick and tired already of the divisiveness that has played Philippine politics for a very, very long time already. In the midst of this, pumasok naman yung mensahe nung kabilang kampo na pagkakaisa,” ani Calilung.
Hindi naman lingid sa kaalaman ni Calilung na bagama’t nabigo ang tinatawag na motherhood statements na i-spell out ang malinaw na plataporma ni Marcos, madali namang nahikayat ang mga Pilipino sa motherhood statements na tumutukoy sa “unification” dahil madali aniya itong intindihin.
“Maaring hindi nga po klaro sa atin ano ba talaga yung mga plataporma, agenda ng ating frontrunner pero napakadali ho kasing intindihin yung konsepto ng unity. Very plain, very simple kaya maaaring ito yung dahilan kaya sila ay talagang nahikayat,” dagdag na pahayag ni Calilung.
Ang desisyon aniya ni Marcos na huwag dumalo sa mga debate at tumanggi na masangkot sa mga negative campaigning ay “a really good decision” dahil ang mga Pilipino aniya ay palaging tumitingin at pumapanig sa “underdog.”
“Dito nga pinapakita ni BBM na instead na sumagot, instead na makipagsabayan sa mga alegasyon, they just chose to be focused on their own campaign, mobilize resources,” aniya pa rin.
Sinabi pa niya na ang mga Pilipino, sa pangkalahatan ay posibleng hindi kuntento sa mga nangyari matapos ang ‘EDSA regime’.
“Maaring hindi na nagustuhan yung mga nangyari after EDSA. So they’re actually looking for something else, something different,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ang kampanya ni Vice President Leni Robredo ay hindi naging epektibo o rumehistrong mabuti sa publiko dahil sa deklarasyon nito na huwag pabalikin si Marcos.
“Maliwanag from the get-go yung kampanya ni Vice President Robredo medyo nandoon po siya talaga sa pagbato sa kung ano-anong alegasyon sa personality, sa pamilya, sa political background ng ating frontrunner, si BBM,” aniya pa rin.
Naniniwala si Calilung na malaki sana ang magiging laban pa ni Robredo para pataubin si Marcos kung mas napaaga ang pag-endorso sa kanya ng iba’t ibang sektor.
“They showed yung kanilang pwersa mga bandang Marso na. I think if it could have come in a bit earlier, I think mas nakatulong talaga doon sa kampanya,” aniya pa rin.
Habang kahanga-hanga ang ginawang house-to-house campaign ni Robredo, masasabing huli na itong nagawa.
“Ang naging tingin nga dito ng marami sa ating mga kababayan is a move of desperation na lang nga e,” ani Calilung.
129