SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
MAS pinaigting pa ng pamahalaan ang kampanya laban sa illegal e-sabong sites.
Namamayagpag daw kasi ang mga ito mula nang ipasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing sugal.
Kaya illegal na lahat. Naku, nahihirapan nga lang daw ang gobyerno.
Sinasabing ipinasara ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pitong e-sabong websites na iligal na nag-o-operate. Matagal nang ipinag-utos ng Pangulo na ipasara na ito.
Sabi nga ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya, iniimbestigahan na ng Anti-Cybercrime team ng Philippine National Police ang operators ng mga websites.
Siyempre, sasampahan ang mga ito ng kaukulang reklamo. Dapat silang managot sa batas.
Nakakalungkot kasi na wala nang nakukuha ang gobyerno na tax mula sa mga legal operators.
Sayang naman.
Ang mga illegal dapat ipasara talaga. Ganyan ang epekto kapag hindi regulated ang mga ganyang sugal.
Binabantayan naman daw ng PNP ang 12 websites at 8 social media pages na naka-link sa online sabong operations. Nadiskubre daw na may mga Facebook groups na nagpo-promote ng operasyon ng e-sabong.
Aba’y nagbibigay pa raw ng access sa mga gumagamit nito sa pamamagitan ng links. Diyos Mio!
Kaya panay ang panawagan ng DILG sa Meta (Facebook) na burahin ang mga nasabing pages.
Ang matindi kasi, maaari itong mabuksan ng mga menor de edad. May marching order ang ehekutibo laban sa illegal e-sabong.
Inatasan na rin kasi ni Interior Secretary Eduardo Año ang PNP ACG at ang lahat ng PNP units sa buong bansa na habulin ang mga e-sabong sites at panagutin ang mga dapat panagutin sa batas.
