Isang pagtutuwid: PH basketball team, kampeon sa 1979 SEA Games!

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

PAGTUTUWID sa ulat ng ilang pahayagan noong nakaraang linggo ang ating tatalakayin ngayon. May mga nagsabi kasi, ang Pilipinas ay nahubaran daw ng korona sa basketball noong 1979 Southeast Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Mali po ito! Malaking kamalian!

Katunayan, panalo ang ating national basketball squad sa ika-9 na edisyon ng tuwing ikalawang taong palaro. Gold winner din ang koponan sa 1977 sa Kuala Lumpur.

Kung nakapagsaliksik ng tama ang ilang sports media bago inilabas ang kanilang istorya, nalaman sana nila na iyon ang kauna-unahang paglahok ng Pilipinas sa regional meet bilang miyembro ng SEA Games Federation, kasama ang Indonesia at Brunei Darussalam.

Apat na koponan lamang – Pilipinas, Malaysia, Singapore, at host Indonesia — ang kalahok noon. At winalis ng ating mga kababayan ang mga kalaban (3-0) bago bumalik sa Maynila dala ang napanalunang gintong medalya. Kasabihan kasi noon, matalo na sa lahat ng sports ang mga Pinoy, ‘wag lang sa basketball.

Ang national basketball team noong 1979 ay binubuo nina Ramon Cruz, Raymundo Obias, Joy Carpio, Federico Lauchengco, Alex Marquez, Alex Clarino, Federico Israel Jr., Joselito Ocampo, Eduardo Merced, Romulo Mamaril, Leopoldo Herrera at Cesar Yabut. Nilampaso nila ang Indonesia (125-81) at Singapore (96-79), habang naungusan nila ang Malaysia (87-82).

Kaya matapos lumabas ang istorya na unang nasipa ang Pilipinas sa trono bilang hari sa basketball noong 1979 SEA Games, may mga tumawag sa inyong lingkod at nagtanong kung totoo ito? Na siyempre ay sinagot namin na “hindi.”

At upang maliwanagan ang lahat, nagpasya ang SALA SA INIT, SALA SA LAMIG na ilabas ang katotohanan. Upang matuldukan ang isa na namang ‘fake news’ na naging talamak lalo sa panahon ng katatapos lang na national elections, na pinagwagian ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Bilang pagtutuwid, mula noong 1977 ay wala tayong talo sa sport na pinakapaboritong pampalipas-oras ng ating mga kababayan. Kampeon tayo noong 1977 sa KL, 1979 Jakarta, 1981 sa Maynila, 1983 Singapore, 1985 Bangkok at 1987 sa Jakarta muli, bago tayo natalo sa Malaysia nang bumalik ang Games sa KL.

Nabawi ng Pilipinas ang trono noong edisyong tinawag na “’91 Miracle in Manila” at mula noon ay napanatili ang titulo hanggang 2003. Wala naman basketball noong 2005, nang pairalin ang suspensyong ipinataw ng FIBA dala ng kaguluhan sa pagitan ng Philippine Olympic Committee at noon ay Basketball Association of the Philippines. Ngunit sa kabila ng suspensyon, hindi binawi ng SEAF ang kampeonato sa mga Pinoy.

Nang muling ibinalik ang basketball sa 24th edition noong 2007 sa Nakhon Ratchasima, Thailand, muling nag-gold ang mga Pinoy at na­natiling hari sa SEA Games–hanggang ma-upset ang Gilas Pilipinas ng Indonesia sa katatapos lang na 31st edition sa Hanoi, Vietnam.

169

Related posts

Leave a Comment