Sa Agoncillo, Batangas TUBIG SA 7 WATER PUMPING STATIONS POSITIBO SA ARSENIC

BATANGAS – Nagpositibo sa arsenic ang pito sa 17 water pumping stations sa bayan ng Agoncillo na sinuri ng mga eksperto nitong nakaraang dalawang araw,  Hunyo 14 at 15.

Kabilang sa mga nagsuring eksperto ay sina Dave Gabriel Cadungog ng Philippine Nuclear Research Institute, katuwang sina John Francis Bilog ng PAMB-DENR, at Emmylou De Chavez, Agoncillo Rural Health Unit Sanitary Inspector.

Lumabas sa pagsusuri na umabot sa mahigit 10 parts per billion (PBB) ang level ng arsenic sa tubig sa nasabing lugar, na ayon sa mga eksperto ay hindi ligtas inumin.

Ang 10 PBB ang itinakdang pamantayan ng World Health Organization at Philippine National Standards for Drinking Water para masabing ligtas inumin ang tubig.

Kabilang sa mga lugar na nagpositibo sa arsenic ang sinuring tubig ay ang mga Barangay Banyaga, Bilibinwang, Pansipit, Subic Ilaya at Subic Ibaba.

Dahil dito, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Agoncillo ang publikong na huwag munang inumin at gamitin sa pagluluto ang tubig sa mga lugar na sakop at malapit sa nagpositibo sa arsenic.

“Ang pamunuan po ng ating Pamahalaang Bayan partikular ang ating Municipal Health Office, ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan at sa pamunuan ng mga Water District dito sa ating bayan upang gumawa ng mga hakbang na makakatulong upang masolusyunan ang krisis na ating nararanasan,” wika ng Agoncillo LGU sa inilabas nitong pahayag sa Official FB page na “Magandang Agoncillo Batangas” noong Miyerkoles, Hunyo 15.

Sinabi rin ng lokal na pamahalaan na nakatakdang muling suriin ang tubig sa Water Pumping Stations dito sa kanilang bayan sa susunod na buwan upang patuloy na ma-monitor ang kalagayan at kalidad ng tubig nito.

Ang arsenic ay mapanganib sa kalusugan at maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit.

Sa naunang pahayag, sinabi ng hepe ng Batangas Medical Center Toxicology Center na si Dr. Rhodora Reyes, posibleng magkaroon ng kanser sa baga at pantog, diabetes, altapresyon, stroke, at atake sa puso ang mga na-expose sa arsenic. (NILOU DEL CARMEN)

394

Related posts

Leave a Comment