PASPASAN, PUSPUSANG BOOSTER VACCINATION

SA kumpas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., isang malawakan, puspusan at paspasang bakunahan ng booster shots ang nakatakdang ilunsad ng pamahalaan sa hangaring pigilan ang panibagong pagbabadya ng COVID surge sa bansa.

Batid ng Pangulo ang kahalagahan ng bakuna lalo pa’t siya mismo’y tinamaan na ng nakamamatay na karamdaman – hindi lang minsan kundi dalawang ulit pa.

Ang totoo, malaking bentahe ang pahayag ng Pangulo. Dangan naman kasi, lubhang tumamlay ang Department of Health (DOH) sa kampanyang humihikayat sa mamamayan para magpabakuna.

Hindi rin naging epektibo ang information campaign ng kanilang departamento.

Ang resulta – 10% ng mga bakunang binili gamit ang limitadong pondo ng pamahalaan, napaso na ang bisa. Sa madaling salita, nauwi lang sa wala.

Sa pinakahuling datos ng departamento, nakapagtala ng 2,578 bagong kaso nitong nakalipas na Sabado, habang halos pumalo na sa 19,000 (patuloy pang tumataas) ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso.

Ang masaklap, higit na mabagsik ang Omicron subvariant na ayon sa mga eksperto’y may kakayahang makahawa hanggang 11 tao ang bawat taong positibo. Kung susumahin, may posibilidad na hindi lang 19,000 ang bilang ng mga positibo, at marami sa kanila, malayang nakagagala dahil ‘di rin naman nila batid na sila’y nagtataglay na rin ng nakahahawang karamdaman.

Sa kwenta ng mga dalubhasa sa larangan ng matematika, pinangangambahang nasa 209,000 na ang mga aktibong kaso, 90% nito’y walang kamalay-malay na sila’y positibo.

Ang tanong, nasaan ang mga posibleng napasahan ng nakamamatay na mikrobyo? ‘Yan ang malaking problema ngayon ng departamento. Mayroon pa bang contact tracers? Kung mayroon man, sapat ba ang kanilang bilang para matunton ang lahat ng naging close contacts ng mga nagpositibo?

Partida, halos lahat ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay pawang bakunado.

Nakalulungkot isiping sa kabila ng panibagong banta ng COVID surge, hindi na gaano napapatupad ang itinakdang minimum public health and safety protocols na sadyang binalangkas para ­ingatan ang publiko.

Huwag mag-alinlangan. Tumugon sa panawagang bakunahan!

123

Related posts

Leave a Comment