(NI BERNARD TAGUINOD)
TANGING Senado na lang ang hinihintay para umusad na ang Federal form of government na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential campaign.
Ito ang pahayag ni House Deputy Majority Leader Rodante Marcoleta, matapos muling umingay ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno mula sa kasalukuyang presidential form tungo sa federal system of government.
“The House of Representatives fully supports President Durerte’s crusade to set out federalism in the country through constitutional processes. We have done our part, under the leadership of Speaker Gloria Macapagal Arroyo, to deliver the draft of the new charter to the Senate last year,” ani Marcoleta.
Magugunita na noong Disyembre 2018 ay pinagtibay ng Kamara sa botong 224 pabor, 22 ang kontra at 3 abstention ang Resolution of Both House No. 15 na inakda mismo ni Arroyo, para gawing federal ang sistema ng gobyerno.
Matapos ipasa sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa, agad na ibinigay ng Kamara ang inaprubahang resolusyon para sa aksyon ng mga senador subalit hindi ito binibigyang prayoridad ng Mataas ng Kapulungan.
Muling umingay ang Charter Change(Cha Cha) matapos sabihin ni Pangulong Duterte ang banta ni Moro National Liberation Front (MNLF) chair Nur Misuari na makikipag-giyera muli ang mga ito kapag hindi naibigay sa kanila ang kanilang hinihinging Federalismo.
259