Taguan ng supply, bistado na! TRADERS MANANAGOT SA SUGAR HOARDING – RUIZ

PATONG-PATONG na asunto, bukod pa sa lusaw na puhunan, ang hinaharap na sakit ng ulo ng mga negosyante sa likod ng pagkukubli ng asukal sa bansa, babala ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kasunod ng kabi-kabilang

pagsalakay ng Bureau of Customs (BOC) sa mga bodega kung saan pinipiit ang supply.

Sa pinagsanib na operasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Port of Clark Enforcement and Security Service (POC-ESS), Port of Manila, Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Trade and Industry (DTI), Sugar Regulatory Administration (SRA) at Department of Agriculture (DA), kumpiskado ang tinatayang P220 milyong halaga ng asukal na nakatambak sa mga bodega sa lalawigan ng Pampanga at Bulacan.

Bitbit ang Letter of Authority at Mission Order na pirmado ni Ruiz, kabilang sa mga tinungo ng pinagsanib ng operatiba mula sa mga nasabing ahensya ang mga bodega sa Central Luzon – sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng Pampanga at lungsod ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan.

Sa imbentaryo, umabot sa 44,000 sako ng mga imported sugar ang nabisto sa mga target na bodega sa mga nabanggit na probinsya.

Ayon kay Ruiz, mahigpit ang tagubilin ng Pangulo – panagutin ng naaayon sa batas ang mga mapagsamantalang negosyante sa likod ng agri-smuggling, kasabay ng giit na masusundan pa ang kanilang mga pagsalakay sa mga pasilidad at tanggapan ng mga negosyanteng dahilan sa likod ng tinatawag na “artificial shortage” ng supply sa merkado.

Samantala, isinailalim na rin sa imbestigasyon ang isang Victor Teng Chua na di-umano’y may-ari ng sinalakay na bodega sa Bulacan.

Pagtitiyak ni Ruiz, hindi makakalusot sa kamay ng batas ang mga negosyanteng target sa sandaling masilipan ng ebidensyang hudyat para kasuhan ng economic sabotage ang mga mapagsamantala at mga kasabwat sa pamahalaan. Walang piyansa ang kasong economic sabotage.

Babala ni Ruiz, hindi titigil ang kanyang tanggapan sa pagtugis sa mga smugglers, mga hoarders, ang warehouse owners at mga tiwali sa kanyang mismong ahensya.
(JOEL AMONGO)

227

Related posts

Leave a Comment