NITONG nakaraang Huwebes ay nagpahayag si Pangulong Duterte ng ‘terminasyon’ sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Para sa mga progresibong kandidato sa halalan tulad ng Bayan Muna party-list, ito ay hudyat sa mas malalang mga atake.
Kapaki-pakinabang ang terminasyon ng peace talks para sa mga kandidatong maka-Duterte. Higit silang makapagpalawak ng impluwensya sa Senado, Kongreso, at sa lokal na gobyerno, dahil pagbubuntunan ng atake ang oposisyon, kabilang ang mga progresibong kandidato. Halimbawa rito ang pagpatay sa coordinator ng Bayan Muna sa Samar na si James Vinas.
Nagkalat sa social media ang fake news hinggil sa mga kandidato ng Makabayan, kasama na si Neri Colmenares na tumatakbong senador sa ilalim ng Makabayan. Gayundin, nagkalat ang mga posters, streamers, at polyeto ng paninira sa mga party-list sa ilalim ng Makabayan. May mga rali at piket pa na ginagawa laban sa mga progresibong kandidato. Talagang sistematiko ang atake na ginagawa sa mga partido at kandidatong nagnanais ng tunay at makabuluhang pagbabago para sa mamamayan.
Ang terminasyon ng usapang pangkapayapaan ay nagpapakita ng pangingibabaw ng mga militarista sa loob ng administrasyong Duterte. Ang pagsasara sa pinto sa peace talks ay mauuwi na naman sa militaristang solusyon sa limang-dekadang digmaang sibil sa Pilipinas. Makikinabang ang mga nasa mataas na puwesto rito, dahil bilyun-bilyon na naman ang ibibigay sa AFP para sa counter-insurgency.
Samantala, lalong lumalala ang kahirapan at pang-aapi sa marami. Sa kanayunan, walang lupa ang mga magsasaka, ang mga katutubo ay pinapalayas sa kanilang lupang ninuno. Sa mga sentrong bayan, walang trabaho, kulang ang sahod, at walang bahay ang marami. Ang lahat ng ito ay pinapalala pa ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga sundalo at pulis. Ito ang mga problemang panlipunan kung bakit may gerang sibil sa ating bansa, at ito ang dapat binibigyang solusyon ng pamahalaan.
Ngunit, sa kabila ng atake sa mga progresibo at malisyosong mga paratang, patuloy tayong lalaban para sa karapatan, at para sa kapayapaang nakabatay sa hustisya. (KAKAMPI MO ANG BAYAN /TEDDY CASIÑO)
305