FIRE PREVENTION MONTH

SIDEBAR

MAGTATAPOS na ang buwan ng Marso kung kailan ginugunita ang Fire Prevention Month at gaya ng mga nakalipas na Marso ay parating tumataas ang insidente ng sunog sa pagsisimula ng nasabing buwan.

Marami tuloy ang nagtatanong kung bakit tuwing Marso ginaganap ang Fire Prevention Month at ang simpleng sagot dito ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay ito ang simula ng buwan ng tag-init kung kailan marami ang guma­gamit ng bentilador at iba pang appliances na nagbibigay ng lamig.

Isinabatas ang Fire Prevention Month sa pamamagitan ng Proclamation Number 115-A na nilagdaan ni da­ting Pangulong Ferdinand Marcos. Minamandato ng batas na gumawa ng aktibidad ang mga sangay ng gobyerno at mga pribadong sektor ukol sa pag-iwas sa mga sakuna, gaya ng sunog.

Idinaraos din tuwing Marso ang Fire Prevention Month dahil karamihan ng mga insidente ng sunog ay nangyayari sa buwang ito.

Tinatawag na “triangle of fire” ang modelo na binubuo ng tatlong sangkap na kinakailangang maghalo para magdulot ng sunog. Kabilang dito ang fuel, oxygen, at init. Isa sa mga halimbawang ibinigay ng BFP ay ang pagkasunog ng tangke ng liquefied petroleum gas o LPG.

Ito ang paliwanag ng BFP: “Ang LPG ay hindi basta-basta sasabog. Matagal na proseso at napakatinding init bago sumabog ang LPG tank. Medyo nakakatakot dito kapag binuksan natin ang LPG, iyong pressure o sound na nanggagaling sa tangke.”

Dagdag pa ng BFP: “Para mapatay ang apoy sa main valve ng LPG, dapat maisara ang regulator. Kung mainit at sira ang regulator ay gamitan ito ng basang basahan. Kung nasa hose ng LPG ang apoy, gamitin ang hinlalaki para takpan ang butas at patayin ang gas source. Dapat ay may bentilasyon kaya mahalagang buksan ang pinto o bintana kapag sumingaw ang LPG.”

Noong 2018 ay nakapagtala ang BFP ng hindi bababa sa 16,675 insidente ng sunog sa buong bansa. Kaya nga tuwing Fire Prevention Month ay patuloy ang mga opisyal ng BFP sa pag-ikot sa mga komunidad upang magbahagi ng mga paalala sa mga residente para makaiwas sa mga insidente ng sunog.

Mas mataas ng 2,675 na insidente ng sunog sa 2018 kumpara sa 2017 kung saan nasa 14,000 ang kabuuang bilang ng mga naitalang sunog sa buong bansa na kumitil sa buhay ng 304 katao at tumupok sa mga ari-ariang nagkakahalagang P7.8 bilyon.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 28 ng kasalukuyang taon, nagtala na ang BFP ng 1,758 insidente ng sunog sa buong bansa na naging sanhi ng pagkamatay ng 22 katao at pagkawala ng P1 bilyong halaga ng ari-arian.

Sa mga nasabing insidente, nananatili ang kuryente bilang nangungunang sanhi ng sunog. Kabilang dito ang mga appliances natin na hindi na-unplug o overloading o kaya paggamit ng saksakan na ang daming sinasaksak.

Inaasahang darami pa ang insidente ng sunog lalo na sa pagtindi ng panahon ng tag-init ngayong Abril at Mayo at dapat lang na magsagawa ng kampanya ang BFP sa mga nabanggit na buwan para makaiwas ang mamamayan sa sunog kahit tapos na ang Fire Prevention Month. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

329

Related posts

Leave a Comment