NANINIWALA ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na may iba pang police officers ang sangkot o responsable sa halos isang toneladang shabu na nakumpiska sa Tondo, Manila.
Kaya naman iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang mas malalimang imbestigasyon sa naarestong bigtime drug personality na si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo.
Umaasa ang pamunuan ng PNP na ikakanta ni PMSgt. Mayo na isang aktibong miyembro ng Philippine Drug Enforcement Group o PDEG ang kanyang mga kasama.
Nasakote si Mayo sa ikinasang drug buy-bust operation sa Quezon Boulevard, Quiapo, Manila noong isang linggo.
Nasamsam sa kanya ang higit P13-M halaga ng shabu. Bukod pa rito ang naunang nasamsam na halos 300 kilong shabu sa Port Area, Manila kaya umabot sa halos isang tonelada ang kabuuan.
Nagkakaisa sina Interior and Local Government Secretary Atty. Benhur Abalos at General Azurin na ito na ang masasabing pinakamalaking huli ng kapulisan dahil umaabot sa tinatayang P6.7 bilyon ang halaga ng shabu na nakuha sa isang high value target.
“This afternoon will be historic in our country. This is probably the biggest drug haul in the history of the Philippines… Halos isang toneladang droga (o) 990 kilograms of shabu, at about P6.7 billion pesos,” ani Abalos sa isinagawang press conference sa Camp Crame, Quezon City na dinaluhan din ni Manila Mayor Honey Lacuna. (JESSE KABEL)
