NAGBUNGA rin sa wakas ang matiyagang paniniktik ng Bureau of Customs (BOC) makaraang mahagip ng mga operatiba ng kawanihan ang tumataginting na P228 milyong halaga ng mga smuggled na asukal mula sa karatig bansang Thailand.
Sa pangunguna mismo ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, timbog ang tinatayang 1,906 metriko toneladang “cane refined sugar” na laman ng 76 containers sa Manila International Container Port (MICP).
Sa kalatas ng ahensya, walang kalakip na import clearance mula sa Sugar Regulatory Commission (SRA) ang naturang kargamentong lumapag sa MICP noon pang Setyembre 24.
Bago pa man ang tagumpay na operasyon, Oktubre 4 nang lagdaan ni Ruiz ang isang Alert Order sa kahilingan nina Customs Intelligence and Investigation Service Director Jeoffrey Tacio at MICP-CIIS chief Alvin Enciso kaugnay ng intelligence report hinggil sa palusuting kontrabando.
Sa pagsusuri ng mga kalakip na dokumento, lumalabas na “fictitious” diumano ang nakatalang kumpanya.
“Based on CIIS report, a request for amendment of the manifest was received on Oct. 10, notably only after a request for issuance of an alert order was made, an attempt to cure the defect that the consignee appearing on the submitted inward foreign manifest is a fictitious company in the Philippines,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng BOC.
“Further, no address and contact details were indicated in the documents submitted in requesting for the amendment of consignee,” dagdag pa ng ahensya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng kawanihan sa layuning matunton at sampahan ng karampatang kaso sa Department of Justice (DOJ) ang mga sangkot sa nasabing bulilyaso.
Pagtitiyak ni Ruiz, hindi kukunsintihin ng kanyang tanggapan ang sinomang opisyal ng kawanihan na mapapatunayang sangkot sa agri-smuggling.
