ASAHAN ang mas mabagsik na kampanya kontra droga ng Bureau of Customs (BOC) sa himpapawid at karagatan, babala ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ilang saglit matapos masungkit ang asam na suporta ng United Nations Office on Drugs and Crime.
Sa pagbisita ng mga kinatawan mula sa UNODC, ibinida ni Ruiz ang kabi-kabilang matagumpay na operasyon kontra droga ng kawanihan kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng opisyal ang P6.7 bilyong halaga ng drogang nasamsam ng pinagsanib na operatiba ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) – ang pinakamalaking drug-bust na naitala sa kasaysayan ng kawanihan.
Hindi man binanggit ng BOC chief, maging sa pagdakip sa anak ng isang kalihim ng Gabinete, malaki ang naging bahagi ng kawanihan na una nang nakabisto sa halos isang kilong high-grade marijuana na laman ng isang bagaheng mula pa sa Estados Unidos.
Bahagi rin ng talakayan ang mga paraan para palakasin ang border security, paggamit ng mga modernong gadget na may kakayahang tumukoy at magbigay kumpirmasyon sa presensya ng droga sa mga pumapasok at lumalabas na kargamento at ang mga nakalatag at dapat pang ilatag na anti-drug strategies sa mga pinangangasiwaang pantalan at paliparan ng BOC.
Pagtitiyak ni Ruiz sa UNODC, lehitimo ang bawat operasyon ng BOC lalo pa’y umiiral aniya ang “transparency protocol” sa tulong ng body cameras na suot ng mga operatiba at iba pang interbensyon sa tulong ng makabagong teknolohiya.
Diin pa niya, walang puwang sa kanyang pamumuno ang mga tiwali sa ahensya.
(BOY ANACTA)
