SUV SINALPOK NG BUS 3 PATAY, 10 SUGATAN

patay

QUEZON – Tatlo ang patay habang sampu ang sugatan matapos salpukin ng isang bus ang isang SUV sa Maharlika Highway sa Brgy. Balubad, sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.

Ayon sa report ng Atimonan Police, patungong direksyon ng Maynila ang SUV na may pitong sakay, nang masalpok ito ng kasalubong na ALPs bus na nag-slide sa kalsada dakong alas-10:40 ng gabi.

Matapos masalpok, naitulak pa ng bus ang SUV pabalik at sumalpok sa nakaparadang trailer truck sa gilid ng highway.

Dumanas ng mga grabeng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver at mga pasahero na SUV na ikinamatay ng tatlo sa mga biktima.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Gener Pablo, Melandro Bocito, parehong taga Oas, Albay, at Chona Pablo, taga Daet, Camarines Norte.

Dead on arrival sa ospital sina Gener at Bocito samantalang binawian ng buhay si Chona habang nilalapatan ng lunas.

Sugatan din ang driver ng SUV na si Jovelito Amar, 58, isang pastor; at tatlong pang pasahero na sina Noel Sazon Viernes, 50, isa ring pastor; Jeneth Rull Amar, 55, teacher, at Rodolfo Bulo.

Isinugod ang mga ito sa Doña Marta Memorial District Hospital sa Atimonan.

Ayon pa sa report, patungo ang mga ito sa Baguio mula sa Bicol para dumalo sa seminar.

Bahagya ring nasugatan ang anim na pasahero ng bus.

Nasa kustodiya na ng Atimonan Police ang 44-anyos na driver ng bus na si Rosel Dacoles Diez na taga Batangas City.

Madulas na kalsada dulot ng pag-ulan kaya nawalan ng kontrol ang driver ng bus, ang lumalabas na dahilan ng aksidente. (NILOU DEL CARMEN)

142

Related posts

Leave a Comment