INANUNSYO ni Quezon City Police District Director, P/BGen. Nicolas Torre III ang pagkakaaresto ng isang abogado at siyam na iba pa sa operasyon laban sa wanted persons na isinagawa ng iba’t ibang tracker teams ng QCPD.
Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa ilalim ng pamumuno ni P/Maj. Rene Balmaceda, ang nadakip na abogado na si Atty. Constantino Reyes, 60, residente ng Brgy. Lourdes, Quezon City, noong Oktubre 25, 2022 sa Sta. Mesa Heights, Brgy. Lourdes, Quezon City, dahil sa kasong falsification of public documents.
Habang dalawang station level most wanted persons ang naaresto naman ng Novaliches Police Station (PS 4) at Project 4 Police Station (PS 8).
Kinilala ni P/Lt. Col. Von June B. Nuyda, commander ng PS 4, ang no. 4 most wanted person station level na si Melchor Lacaña Del Rosario, 41-anyos, naaresto sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Sinilbihan din ng warrant of arrest si Ronneth Tolentino, 24, no. 2 most wanted person station level, sa loob ng detention cell ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Taft Avenue Manila para sa kasong rape.
Tiklo rin sa Police Clearance Office (PCO) sa ilalim ni P/Lt. Jun Alvarez, si Jaime Chito Ombrero Tejada, 39, sa loob ng Police Clearance Office, City Hall Complex, Quezon City dahil sa kasong grave threats at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Kabilang din sa nahuling wanted persons sina Rinalyn Cuesta, 26, sa kasong paglabag sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Program Act of 2000; Robert Gara Sacares, 28, sa kasong light threats and malicious mischief; at Maxine Rodrigo Ticoy, 28, sa loob ng PS 4 Police Clearance sa Quirino Hi-way, Brgy. Nova Proper, Novaliches, Quezon City dahil sa kasong slight physical injuries; Benjamin Cordero y Reyes, 41, sa kasong frustrated homicide.
Nasa kustodiya na ng Payatas Bagong Silang Police Station (PS 13) ang isang isang 16-anyos na binatilyo, dahil sa paglabag sa Art. 266-A as amended by RA 8353; at sina Robelito Binibini Degracia, 29-anyos,dahil sa paglabag sa City/Municipal Ordinance; at Jasmine Magallanes Gadaingan, 27-anyos, sa kasong grave oral defamation. (JOEL O. AMONGO)
