BINUBUSISI ng pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang posibilidad na may mas mataas pang personalidad na mastermind sa pamamaslang sa veteran broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay NBI supervising agent Atty. Eugene Javier, hindi inaalis ang posibilidad na bukod kay Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at alalay nito ay may iba pang nag-utos sa pagpaslang kay Lapid o Percival Mabasa.
Binanggit ni Javier na may natatanggap din silang intelligence reports kaugnay sa umano’y iba pang mastermind pero biniberipika pa ito.
“We have to understand that Director General Bantag mismo has the rank of undersecretary. It is only logical na may mataas pa sa kanya. Then he should be very powerful,” pahayag ni Javier .
Sinabi naman ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy, na malinaw ang mga ebidensya na inilabas ng mga awtoridad laban kay Bantag.
Batay sa pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi rin ni Mabasa na may 5% pang natitira sa imbestigasyon ng mga otoridad.
“Hindi namin sana gusto na titigil lang ito diyan kay Bantag. Kung may nalalabing 5%, sana’y patuloy pa rin saliksikin ito at malantad kung sino talaga ang mga taong nasa likod niyan,” ani Mabasa.
Sa nakalipas na dalawang linggo, sinabi ni Mabasa na may nagpaabot sa kanila na gustong kausapin ni Bantag ang pamilya ni Lapid para linawin ang alegasyon laban sa kanya.
Sinabi rin ni Mabasa na nag-alok si Bantag ng isang ritwal sa libingan ni Lapid.
Kamakalawa, isinampa na ng NBI at Philippine National Police (PNP) ang reklamong murder laban kay Bantag at sa labing isang iba pa kabilang si Deputy Security Officer Ricardo Zulueta.
PDL Nalulubog
Sa Krimen
Samantala, ikinabahala sa mababang kapulungan ng Kongreso ang sitwasyon ng mga person deprived of liberty dahil lalong nalulubog ang mga ito sa paggawa ng krimen.
Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, ang layon ng kulungan ay para sa rehabilitasyon ng mga taong nagkasala sa batas bago sila pabalikin sa lipunan.
“In reality it further mires many offenders into a life of crime as what happened to the alleged middleman in the Percy Lapid killing, Jun Villamor, also known as Cristito Villamor Palaña, at the New Bilibid Prison,” ani Castro.
Lumabas sa imbestigasyon ng NBI at PNP na bukod kina Bantag at Zulueta, ang mga PDL ang nagtulong-tulong para maisakatuparan ang pagpatay kay Lapid at sa itinuturong middleman na si Palaña.
“Aside from this, the situation in Bilibid undoubtedly falls short of the UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners which prescribe standards is aspects including food, hygiene, and shelter. These cases are enough to merit an investigation and seek accountability on both past and present administrations of BuCor,” dagdag pa ni Castro.
Pinagtibay naman sa Kamara ang isang resolusyon na kumokondena sa walang kabuluhang pagpatay kay Lapid noong October 3, 2022 sa Las Pinas City.
“Local and international journalists were outraged and deeply saddened by the killing of Mr. Percival ‘Percy Lapid’ C. Mabasa, and they considered this dastardly act as an attack to the freedom of speech and of the press that must be stopped in order to save and maintain democracy,” ayon sa House Resolution (HR) 489 na pinagtibay sa plenaryo ng Kamara.
“Now, therefore, be it resolved by the House of Representatives, to condemn in the strongest possible terms, the senseless killing of veteran broadcaster Percival ‘Percy Lapid’ C. Mabasa and to express grave concern for the safety and security of journalists in the country,” bahagi pa ng resolusyon.
Bantag Pinalulutang
Sa Senado, pinayuhan ni Senador Ronald “Bato’ Dela Rosa si Bantag na harapin ang bintang laban sa kanya.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Dela Rosa, na naging BuCor director sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung naniniwala aniya si Bantag na malinis ang konsensya at walang kinalaman sa nasabing krimen ay dapat na harapin nito ang kaso.
“Face the music, gawin mo, if you are really innocent,” sabi ni Dela Rosa.
Ayon pa sa senador, mahirap kalabanin ang gobyerno kung kaya’t dapat na magpakalalaki si Bantag.
‘Inabswelto’ Si Digong
Sa gitna ng mainit na diskusyon sa social media kaugnay sa posibleng papel ni dating Pangulong Duterte sa pamamaslang kay Lapid, agad nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na walang ebidensya na mag-uugnay rito.
Ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla, haka-haka lamang ng mga kritiko ng dating administrasyon na posibleng may kinalaman sa nasabing krimen ang dating pangulo.
Ayon sa kalihim, maging ang mga testigo ay hindi nabanggit ang pangalan ng dating presidente. (RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD/NOEL ABUEL)
