BILANG suporta sa urban farming program ng lokal na pamahalaan, ang mga persons with disabilities (PWDs) ng bayan ay nagtatanim din ng mga gulay sa bakuran ng munisipyo ng Cainta sa lalawigan ng Rizal.
“It’s nice to see your own farm produce growing at the municipal grounds vacant area,” post sa social media ni Edwin P. Bayani, isa sa mga PWD.
“Kami pong mga PWD ay nagtanim ng patola, okra, papaya, upo, ampalaya at iba pang gulay sa bakanteng espasyo sa tabi ng opisina ng PWD,” aniya.
Sinabi ni Cainta Mayor Elen Nieto na sa isang community garden sa Sitio Manggahan ay umani na si Domingo ng mga tanim na gulay.
“Naging matagumpay ang Manggahan Ladies Cooperative sa kanilang unang ani ng pechay,” ani Nieto.
Sa ilalim ng programang ito, hinihikayat ang mga out-of-school youth ng bayan na magbungkal ng lupa at bibigyan sila ng cash allowance sa ilalim ng cash for work program sa loob ng dalawang linggo.
Kapag handa na ang lupa para sa pagtatanim, ang lokal na pamahalaan ay magbibigay ng mga buto o punla sa kooperatiba kung saan maaari silang magtanim ng iba’t ibang gulay sa community garden at magbenta ng kanilang ani sa pampublikong pamilihan ng bayan. (KNOTS ALFORTE)
