ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.
NAPAKAHALAGA ng malinis na tubig sa buhay ng tao at kung mawawala ito ay tiyak na magiging katapusan na ng mundo.
Ito Ang Totoo: Tatagal ng hanggang tatlong (3) linggo ang buhay ng tao nang walang pagkain pero swerte na sa tatlo (3) o apat (4) na araw kung walang tubig na inumin, ayon sa pag-aaral ng mga eksperto.
Mapalad ang Pilipinas na sagana sa mga natural na pinanggagalingan ng tubig kaya tuloy hindi sineseryoso ng marami ang posibilidad na mawala ito.
Katunayan, marami na ang umaasa sa tubig na nasa bote sa halip na sa galing gripo na dapat may sapat na kalidad para mainom ng tao.
Ito Ang Totoo: Pabigat sa ordinaryong tao na mamili at mag-imbak ng “purified water” na nasa bote (o galon) dahil dagdag na gastusin ito sa binabayaran na ngang tubig sa gripo.
Kaya naman dapat maging katotohanan, ang ayon sa NEDA (National Economic and Development Authority) ay tinatayang Tatlong Trillion Piso (P3,000,000,000,000) “investments” para sa dekada 2020 – 2030 upang makamit ang “water supply” at “sanitation targets” ng bansa.
Isa ito sa mga napag-usapan sa nakalipas na Water Forum 2022 na ginanap bilang paggunita sa Pilipinas ng World Water Week 2022 ng United States Agency for International Aid (USAID) at “partners” nito.
Ayon kay USAID Acting Mission Director Rebeka Eubanks, kinikilala nila ang kahalagahan ng “partnerships” at “innovation” para sa pagkakaroon ng ligtas, sapat at abot-kayang “supply” ng tubig at sanidad.
Ito Ang Totoo: May 200 kinatawan mula sa kapwa sa pribado at publikong sektor ang dumalo sa “Water Forum 2022” upang lumikha ng estratehiya bilang suporta sa Philippine Water Supply and
Sanitation Master Plan na nagsisilbing “national road map” upang makamit ang pagkakaroon ng ligtas, sapat at abot-kayang “supply” ng tubig at sanidad.
Sa kabila nito, mahalaga ang partisipasyon ng mamamayan. Dapat maging malinaw sa lahat ang kahalagahan ng tubig sa pangkalahatan at ang epekto nito sa buhay kung isasawalang-bahala lang.
Pangalagaan ang kalikasan, ang mga ilog at kapaligiran. Huwag magtapon ng basura kahit saan lang at bantayan ang may ginagawang kababalaghan.
Hindi dahil ang alam natin na ang tubig ay nariyan lang, binabalewala na lang sa paniwalang wala itong katapusan. Ito Ang Totoo!
