BINALAAN ang publiko na huwag makipagtransaksiyon sa Market Place sa Facebook hinggil sa mga pekeng produkto matapos masabat ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang tinatayang P250,000 halaga ng mga pekeng sigarilyo sa pagsalakay sa San Andres Bukid, Manila noong Linggo ng hapon.
Tatlong suspek ang naaresto sa operasyon na kinilalang sina Jerome Pagobo, 31; Elma Facunda, 45, at Cesar Piasto Jr., 36, pawang nakatira sa San Andres Bukid, Maynila.
Ayon sa ulat na isinumite ni P/Major Jake Arcilla kay P/Lieutenant Colonel Orlando Mirando, Jr., commander ng MPD-Sta. Ana Police Station, nakipagtransaksyon ang isang Xyrus Edgar Villanueva, 41, ng San Fernando, La Union City, sa mga suspek sa pamamagitan ng Market Place upang makabili ng tatlong kahon (110 reams) ng sigarilyo.
Nagkasundo sila sa halagang P93,500 at nagkita sa Maynila. Nang maibigay ang tatlong kahon, dali-dali umanong umalis ang mga suspek ngunit nang buksan ito ng biktima ay nadiskubreng kalahati lang ng kanilang pinag-usapan ang naibigay sa kanya.
Agad nagsuplong ang negosyante sa mga awtoridad na nagsagawa ng follow-up operation sa panulukan ng Rubi at Estrada Streets sa Brgy. 768, Zone 83, San Andres Bukid na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong suspek at nakumpiska ang iba pang mga sigarilyo na tinatayang P150,000 ang halaga.
Isinailalim sa masusing inspeksyon ang label ng mga produkto na natuklasang pawang mga peke.
Nakadetine sa Sta. Ana Police Station detention center ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (Estafa) sa Manila City Prosecutor’s Office. (RENE CRISOSTOMO)
