(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
HINDI kumbinsido ang minorya sa Kamara na ganap na mawawala ang impluwensya ng Pangulo sa sandaling ibigay sa iba ang pamumuno ng iginigiit ng Maharlika Wealth Fund na isinusulong ng administrasyong Marcos.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman na tumatayong lider ng minorya sa Kamara, mananatiling kontrolado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang MWF, sa kabila pa ng pasya ng mga may-akdang kongresista na baguhin ang probisyong nagbibigay ng liderato ng MWF sa punong ehekutibo.
Sa bagong bersyon ng panukala, ang Kalihim ng Department of Finance ang mauupong chairman ng kontrobersyal na MWF.
“From the President to his alter ego, the Finance Secretary, to chair the Maharlika Investment Corporation – what is the difference? The Finance Secretary serves at the pleasure of the President and must conform to the President’s bidding to retain his position,” ani Lagman.
Sa pagdinig ng Kamara kamakailan, kabilang sa tinalakay ang pagtapyas ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa mga ahensyang paghuhugutan ng paunang pondo para sa MWF.
Giit ni Lagman, hindi maiaalis sa duda ng publiko lalo pa’t ang Pangulo ang nagtalaga kay Finance Sec. Benjamin Diokno.
Indecent
Proposal
Tinawag naman ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na “indecent proposal” ang MWF bunsod ng kawalan ng mga safety provisions kontra korapsyon sa gobyerno.
“As long as graft and corruption is rampant, wealth funds like Maharlika will always be an indecent proposal,” pahayag ni Colmenares.
Pangamba pa ng dating kongresista, sambayanan ang muling papasan ng sakripisyo sa sandaling malugi ang “investments” na ilalagak ng 15-member board sa ibang bansa – batay na rin sa sovereign guarantee provision sa ilalim ng inihaing House Bill 6398.
Sinabi ng dating mambabatas na pipigain pang lalo ang mga tao sa buwis kapag nalugi ang inilagak na pondo ng MWF sa isang negosyo dahil sa “sovereign guarantee provision” sa panukala.
Sa ilalim ng sovereign guarantee, gobyerno ang babalikat ng naluging investment.
Kontra BSP Law
Ayon naman kay House deputy minority leader Bernadette Herrera, taliwas ng batas na lumikha ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paghugot ng pondo ng BSP.
Bukod sa legalidad, hindi rin aniya sapat ang P136 bilyon ng BSP para sa P200-billion capitalization.
“The only way a contribution to the MWF can happen is either the BSP will have enough profits in 2021-2022 to reach the P200B, and anything above that can go to the MWF,” ani Herrera.
Imposible Ngayon
Samantala, nagpahiwatig si Senate ways and means committee Chairman Sherwin Gatchalian na imposible sa ngayon ang paglikha ng Maharlika Wealth Fund o ang Sovereign Wealth Fund.
Ito ay dahil wala umano siyang nakikitang posibleng pagkunan ng pondo.
Sinabi ni Gatchalian na hindi na bago ang konsepto ng Sovereign Fund na matagal na rin anya niyang pinag-aaralan subalit sa ngayon na may budget deficit ang bansa ay hindi niya nakikitang magkakaroon ng pondo para rito.
Kinontra rin ng senador ang probisyon sa panukala na papayagang mangutang para siyang ilalagak sa investment fund.
Ipinaalala ng mambabatas na hindi magandang practice o gawain ang pangungutang para ilagak sa investment na hindi pa naman tiyak ang kahahantungan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang utang ay may kaakibat na interes at may takdang petsa na dapat bayaran kaya delikado anya kung hindi agad kikita ang investment.
Muling iginiit ng senador na dapat dumaan sa masusing pag-aaral ang panukala at kailangan din munang matukoy kung saan manggagaling ang pondong ilalagak dito.
Kung wala naman anyang pagkukunan ng pondo ay nag-aaksaya lamang ng oras ang mga mambabatas sa pagtalakay sa panukala.
