ITIGIL ANG TOKHANG SA MGA MAGSASAKA!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

‘HUSTISYA!’ ang sigaw ng Bayan Muna sa pagpaslang sa labing-apat na magsasaka sa Canlaon, Negros Oriental nito lamang Sabado. Walang kasukat na galit at pighati ang aming nararamdaman sa masaker muli ng mga magsasaka. Mananagot ang mga may gawa ng karumal-dumal na pagpatay na ito!

Inilarawan ng mga saksi kung paano pinalibutan ng 40-60 na miyembro ng PNP-SAF at saka pinasok ang bahay ni Edgardo Avelino, tagapangulo ng HUKOM o Hugpong Kusog Mag-uuma sa Canlaon. Pinasok nila ang bahay ni Edgardo bandang alas-12 ng madaling-araw, para diumano’y mag-serve ng search warrant. Ngunit, imbes na ihain ang warrant ay pinagbabaril nila si Edgardo at ang kanyang kapatid na si Ismael Avelino.

Ang iba pang pinaslang ay sina Melchor Pañares at ang kanyang anak na si Mario Pañares; Rogelio Ricomuno, Ricky Ricomuno, Gonzalo Rosaales, Genes Palmares, Franklen Lariosa, Anoj Enojo Rapada, Velentin Acabal, Steve Arapoc at Manulo Martin. Kapwa mga magsasaka at magkakaratig-bahay at munisipyo lamang ang lahat ng mga biktima.

Istilong tokhang ang ginawa sa mga pinaslang, ayon sa mga kaanak at saksi. Winasak ang mga pinto ng kanilang bahay, pinalabas at tinakot ang mga kapamilya, at saka binaril ang mga biktima.

Laging bukambibig ng mga pulis na ang mga biktima ay ‘nanlaban’. Ngunit, hindi na naniniwala ang mamamayan sa ganitong mga palusot ng mga berdugong militar at pulis. Ang totoo, ito ay walang-awang masaker sa mga walang kalaban-laban na magsasaka!

Ginagawang palusot ng pwersa ng estado ang anti-criminality upang bigyang katwiran ang kanilang panunupil at pagpatay sa mga magsasakang lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Imbes na dinggin ang daing ng ating nagdarahop na mag-uuma, sila ay pinapatahimik—kundi man ng pag-aaresto, sa pagpatay!

Susuungin ng Bayan Muna ang mga may gawa sa masaker na ito. Dapat ilabas ng PNP at AFP ang mga pangalan ng lahat ng sangkot sa operasyon nang sila ay makasuhan. Hustisya! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

265

Related posts

Leave a Comment