PBBM pinagbibitiw sa DA FARMERS: IMPORTASYON TRABAHONG TAMAD

(BERNARD TAGUINOD)

HABANG nasa biyahe si President at Department of Agriculture Secretary Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasama ang 70 iba pa para para dumalo sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland, sumugod ang mga magsasaka sa kanyang tanggapan upang iprotesta ang mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, iprinotesta rin ng mga raliyesta ang anila’y patuloy na pag-iimport ng mga produktong agrikultura tulad ng sibuyas na itinuturing nilang ‘trabahong tamad’.

“Solusyon ng tamad ang importasyon. Ang dapat palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain, hindi importasyon,” ayon sa statement ng grupo matapos iutos ng Pangulo ang pag-angkat ng 21,060 metric ton ng sibuyas upang maibsan umano kakulangan ng supply na naging dahilan ng pagtaas ng presyo nito.

Subalit ayon sa grupo, may sapat na supply ng sibuyas sa bansa at kaya lamang tumaas ang presyo nito ay dahil hinayaan ng rehimeng Marcos Jr., na umiral ang kartel na pakana anila ng hoarders at profiters.

Marami rin umanong supply ng sibuyas ang ilegal na dinala ng smugglers sa bansa kaya hindi totoo na nagkukulang ang supply nito.

“Malawakang pandaraya sa masang konsyumer ang mataas na presyo ng sibuyas kahit pa nasa kasagsagan ng anihan. Labis-labis na tubo ang kinikita ng malalaking traders, importers, pati na mga smugglers dahil sa napakamahal na presyo ng sibuyas. Sila rin mismo ang nagkokontrol at nagmamanipula sa suplay at presyo ng sibuyas mula sa farmgate hanggang sa retail,” ayon pa sa grupo.

Kung tinutukan lamang aniya ng gobyerno ang supisyenteng tulong sa mga magsasaka lalo na sa onion growers at nilibre ang cold storage facilities, malamang ay hindi nakapagsamantala ang kartel.

Nangangamba rin ang KMP na posibleng mauna pang maging P20 ang kada piraso ng itlog kesa sa ipinangako ni Marcos na bigas na P20 kada kilo.

Sa ngayon ay naglalaro na sa P8 hanggang P10 ang bawat piraso ng itlog matapos magtaas ng presyo ang mga supplier dahil umano sa mahal na patuka na kapag hindi naagapan ay posibleng maging P20 na kada piraso.

PBBM pinagbibitiw

Nauna nang nanawagan ang ilang lider ng sektor ng agrikultura na magbitiw na si Pangulong Marcos Jr. bilang kalihim ng Agriculture dahil sa hindi natatapos na krisis sa pagkain.

Sa isang panayam kay Philippine Egg Board Association President Gregorio San Diego, maraming concerns ang Pilipinas hindi lamang sa agrikultura kaya mainam na ipagkatiwala na lamang ng Pangulo ang pagiging Agriculture Secretary sa iba.

Pinuna rin ni San Diego na sa halos pitong buwan sa pwesto ni Pangulong Marcos ay dalawang beses pa lamang itong nakapunta sa DA at palagi pang nasa labas ng bansa.

“Palagi siyang wala sa bansa natin. Infact dalawang beses pa lang siyang napunta sa Department of Agriculture. Dapat mag-assign na siya ng permanent secretary,” saad ni San Diego.

Hiling naman ng grupo, sakaling magtalaga ng permanenteng kalihim si Pang. Marcos ay sana iyong may tunay na malasakit sa local agriculture ng bansa.

Nagpapakamatay na

Kahapon, sa pagdinig sa Senado, nabunyag na may limang magsasaka na mula sa Pangasinan ang nagpatiwakal dahil sa kawalan ng pag-asa matapos malugi ang kanilang pananim na sibuyas.

Iniharap sa hybrid hearing ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform, ni Elvin Laceda, presidente ng Young Farmers Challenge Club of the Philippines, si Gng. Merly Gallardo na nagkwento hinggil sa pagpapakamatay umano ng kanyang asawa dahil sa malaking lugi sa kanilang sakahan.

Ayon kay Gallardo, kahit binibili sa kanila ng grupo ni Laceda ang sibuyas sa farm gate price na P220 hanggang P350 kada kilo ay nalugi pa rin sila dahil sa mga pag-ulan na naranasan noong nakaraang taon na ikinasira ng kanilang pananim.

Aniya, ngayon lang sana makababawi ang mga magsasaka pero dahil may importasyon ng sibuyas kahit wala pang 100 araw para ma-harvest ay kailangan nang anihin ang mga sibuyas sa loob ng 85 hanggang 90 araw.

“Pinapatay ninyo kami, pinapatay n’yo kaming magsasaka,” ang pahayag naman ng mga magsasaka ng sibuyas patungkol sa DA dahil sa patuloy na pag-import nito.

Hindi naitago ng mga magsasaka ang pagmamakaawa sa DA na huwag gawin ang importasyon ng sibuyas sa mismong panahon ng anihan.

Kapwa inihayag nina Rommel Calingasan, municipal agriculturist ng San Jose, Occidental Mindoro at Ramon Silverio, chairman ng Kaagapay Kilusang Bayang Tagapagpaunlad Multi Purpose Cooperative at ng Provincial Cooperative Development Council (PCDC) ng nasabing probinsya, na kayang-kaya nilang mag-produce ng 270,000 metriko tonelada ng sibuyas para punan ang pangangailangan ng bansa.

Anila, kung tutuusin ay hindi na dapat pang mag-import ang DA ng sibuyas dahil sa kaya umano ng mga ito na mag-produce.

Dagdag pa ng mga ito, hindi sila makapaniwala na nagkukulang sa supply ng sibuyas kung kaya’t tumaas ang presyo nitong hanggang P700 kada kilo dahil maraming nakatago sa cold storage facilities sa bansa na kinokontrol ng traders. (May dagdag na ulat si NOEL ABUEL)

232

Related posts

Leave a Comment