UMAKYAT na sa 28 ang bilang ng mga nasawi sa malawakang pagbaha sa buong bansa dulot ng masamang panahon, ayon sa datos ng Department of National Defense – National Disaster Risk Reduction and Management Council (DND-NDRRMC).
Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, kahapon ng umaga nasa higit 1,397,296 katao o mahigit 347,105 pamilya ang naapektuhan ng serye ng mga low-pressure area at shearlines mula noong Enero 2, kung saan 11 sa kanila ang nasugatan at tatlo ang nawawala.
Habang 211,940 katao o mahigit 55,774 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa pagbaha matapos mapilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan
Dagdag dito, walong lungsod at bayan na ang isinailalim sa state of calamity.
Nasa P274,100.870 ang halaga ng pinsala sa agrikultura, habang tinatayang nasa P171 milyon naman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at nasa 1,307 bahay ang nasira dahil sa sama ng panahon.
Kaugnay nito, nagpaabot na ang gobyerno ng Pilipinas ng tulong na nagkakahalaga ng may P31.6 milyon, sa mga apektadong residente.
Una rito, ang mga lokal na awtoridad sa kalamidad, kasama ang mga opisyal mula sa Office of Civil Defense (OCD), ay binabantayan din ang sitwasyon, at may mga search and rescue team na naka-deploy dahil sa maaaring pinsala na dulot ng sama ng panahon. (JESSE KABEL RUIZ)
