NAG-ALBOROTONG muli ang Bulkang Kanlaon makaraang makapagtala ng tatlong volcanic earthquake sa nakalipas na magdamag, iniulat, nitong Enero 16, 2023, Lunes, ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nabatid sa Phivolcs bukod sa pagyanig, naitala ang alert level 1 sa paligid ng Bulkang Kanlaon at pagbuga ng usok sa bunganga ng bulkan.
Sinabi pa ng Phivolcs, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan.
Ayon pa sa ahensya, pinaalalahanan nito ang lahat ng sasakyang panghimpapawid na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapalipad ng ano mang uri ng aircraft malapit sa bulkan dahil sa banta ng pagsabog
Samantala, muli ring nag-alboroto ang Bulkang Taal makaraang makapagtala ng 140 volcanic earthquakes sa nakalipas na magdamag, iniulat nitong Lunes, Enero 16, 2023, ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nabatid sa Phivolcs, nakataas na sa alert level 1 ang paligid ng bulkang Taal.
Ayon sa Phivolcs, naitala rin ang pagbuga ng usok sa bunganga ng Bulkang Taal na may taas na 1,000 metro.
Nabatid pa sa Phivolcs, namataan ang bahagyang pamamaga ng bahagi ng timog-silangan ng Bulkang Taal.
Sinabi pa ng Phivolcs, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng sino sa paligid ng Bulkang Taal lalo na malapit sa bunganga ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng ano mang uri ng aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa banta ng volcanic earthquake at pagbuga ng manipis na ashfall.
Ang bulkang Taal ay itinuturing na aktibong bulkan dahil sa nakalipas na mga pag-aalboroto nito. Matatagpuan ito sa lalawigan ng Batangas. (PAOLO SANTOS)
536