LEYTE – Walo ang naitalang nasugatan sa bayan ng Leyte, sa lalawigang ito, dahil sa nangyaring magnitude 5.1 na lindol dakong alas 8:28 noong Linggo ng gabi.
Mula sa inisyal na impormasyon mula sa Leyte MDRRMO, karamihan sa mga nasugatan ay nabagsakan ng mga debris dahil sa lindol.
Sa isinagawang assessment ng MDRRMO, nabatid na mayroong mga kalsada sa bahagi ng bayan ang nagkaroon ng mahabang bitak.
Meron ding napinsalang simbahan na nagbagsakan ang ilang bahagi ng kisame at nasira ang ilang poste.
Dahil sa takot sa malakas na pagyanig, naglabasan mula sa kani-kanilang mga bahay ang mga tao at agad nagtungo sa open areas.
Ayon pa sa impormasyon mula sa MDRRMO, kinansela ang klase ng mga estudyante sa lahat ng antas at pasok sa trabaho nitong Lunes para bigyang-daan na maisagawa ang ‘assessment’ sa buong bayan sa mga posibleng pinsala ng lindol.
Ayon sa Phivolcs, naitala ang sentro ng lindol na may lalim na isang kilometro sa Leyte, Leyte at tectonic ang origin.
Naitala ang Intensity III sa Alangalang, Carigara, Babatngon, Barugo, Tacloban City, at Ormoc City, Leyte
Naitala rin ang Instrumental Intensity IV sa Carigara, Leyte; Intensity III sa Alangalang at Ormoc City, Leyte; Intensity II sa Calubian, Albuera, Leyte at Intensity I sa Borongan City, Eastern Samar at Bogo City, Cebu.
Ayon sa Phivolcs, asahan ang aftershocks sa nangyaring lindol. (NILOU DEL CARMEN)
255