UMABOT na sa 45 bagong COVID-19 Omicron subvariant cases sa bansa ang natukoy sa pinakahuling resulta ng genome sequencing sa mga sample, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH).
Sa genome sequencing ng University of the Philippines-Philippine Genome Center at San Lazaro Hospital mula 10 hanggang 16 nitong Enero, natukoy ang 20 bagong kaso ng BA.2.3.20.
Sa Biosurveillance report, lahat ng mga kaso ng BA.2.3.20 ay pawang mga lokal na kaso at nagmula sa Western Visayas (15) at Davao region (5).
Isang kaso ng Ba.2.75 ang natukoy sa Western Visayas at isang kaso ng BA.5 mula sa Davao Region.
May 12 kaso ng XBB ang nadiskubre at pito sa mga ito ang mula sa Central Visayas at lima naman mula sa Davao region. Isa ring kaso ng XBC subvariant ang natukoy sa Davao region.
Bukod sa mga ito, may 10 pang kaso ng iba pang Omicron subvariants ang natukoy, siyam dito ay mula sa Davao at isa ang iniulat sa Caraga. (RENE CRISOSTOMO)
262